HOUSE PROSECUTION PANEL, TINAPOS NA PAGHAHAIN NG EBIDENSIYA SA THREAT CHARGE LABAN KAY VP SARA

PORMAL nang tinapos ng House Prosecution Panel ang paghahain ng ebidensiya para sa impeachment article kaugnay ng grave threat laban kay Vice President Sara Duterte.

Sa ikasiyam na araw ng impeachment trial, ipinagpatuloy ang cross-examination kay National Bureau of Investigation (NBI) Director Atty. Melvin Matibag bago ipinaalam ni Lead Prosecutor at Batangas 2nd District Rep. Gerville Luistro na hindi na kailangan ng prosekusyon ang re-direct examination.

Si Matibag ang ikatlo at huling testigo ng prosekusyon para sa unang impeachment article na nag-ugat sa pahayag ni Vice President Duterte noong Nobyembre 23, 2024 na mayroon umano siyang nakausap na hitman laban kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos at dating House Speaker Martin Romualdez.

Sa kanyang testimonya, ipinagtanggol ni Matibag ang naging assessment ng NBI at iginiit na hindi maaaring balewalain ng law enforcement ang mga pahayag na maaaring magbanta sa buhay ng pinakamataas na opisyal ng bansa.

Nanindigan din ang NBI Director na ang pahayag ni Vice President Duterte ay sapat na upang maipakita ang betrayal of public trust, kahit hindi pa natutukoy ang umano’y kinausap nitong assassin.

Inihayag din ni Matibag na natukoy na ng NBI Special Task Force ang ilang persons of interest na maaaring makatulong sa nagpapatuloy na imbestigasyon, ngunit tumanggi siyang pangalanan ang mga ito upang hindi umano makompromiso ang operasyon at malagay sa panganib ang mga intelligence asset at informant.

Ayon sa NBI, sinuri ng task force ang banta batay sa limang protective intelligence factors, kabilang ang bigat ng banta, pagkakakilanlan ng gumawa nito, kakayahan, motibo at pattern of violence.

Matapos ang testimonya ni Matibag, pormal na nagpahinga ang House Prosecution Panel sa paghahain ng ebidensiya para sa unang impeachment article.

Nakatakdang ipagpatuloy ng Impeachment Court ang paglilitis sa Hulyo 29, alas-10:00 ng umaga, kung saan sisimulan ng House Prosecution Panel ang presentasyon ng ebidensiya para sa Article II na may kaugnayan sa confidential funds.

(TINA MENDOZA)

95

Related posts

Leave a Comment