₱234.3-MILYONG SMUGGLED CIGARETTES, NASABAT NG PHILIPPINE NAVY

NASABAT ng mga tauhan ng Philippine Navy–Naval Forces Western Mindanao ang tinatayang ₱234.3 milyong halaga ng hinihinalang smuggled tobacco products sa karagatan malapit sa Lutangan Island, bayan ng Olutanga, Zamboanga Sibugay.

Ayon sa ulat ng Philippine Navy, nakumpiska ang 1,436 master cases at 55 reams ng mga dayuhang brand ng sigarilyo na New Berlin at Bosque, gayundin ang motorboat na umano’y ginamit sa pagpupuslit ng kontrabando.

Agad na isinailalim sa kustodiya ng Bureau of Customs–Port of Zamboanga ang mga nakumpiskang smuggled cigarettes para sa kaukulang legal na proseso.

Ayon kay Philippine Navy–Naval Forces Western Mindanao Commander Rear Admiral Constancio Arturo M. Reyes Jr., malaking dagok ang pagkakasabat sa isang malakihang smuggling operation na nakaaapekto sa kita ng pamahalaan, lehitimong kalakalan at seguridad ng mga rutang pandagat sa Western Mindanao.

Binigyang-diin ni Reyes na hindi magiging ligtas na daanan ng mga smuggler ang karagatan ng Western Mindanao at mahigpit nilang tutugunan ang anumang pagtatangkang magsagawa ng ilegal na kalakalan sa lugar.

(JESSE RUIZ)

92

Related posts

Leave a Comment