PINANGANGAMBAHAN ng mga awtoridad ang muling pagbagsak sa karagatang sakop ng Pilipinas ng rocket debris mula sa pinakawalang rocket ng China.
Bunsod nito, muling naglabas ng abiso ang Philippine Coast Guard (PCG) hinggil sa isasagawang pagpapalipad ng China ng Yinli-1 (Y4) rocket.
Ayon sa babala ng PCG, posibleng gawin ang rocket launch mula alas-10:46 ng umaga hanggang alas-11:21 ng umaga nitong Miyerkoles, Hulyo 22.
Ayon sa Coast Guard District North Eastern Luzon, ang nasabing rocket ay nakatakdang paliparin mula sa East China Sea Launch Area sa Shanghai.
Nabatid na ang designated drop zone ay 115 nautical miles mula Babuyan Island at 129 nautical miles mula Sta. Ana, Cagayan.
Inaabisuhan din ang mga mangingisda at marino na iwasang maglayag sa designated drop zone sa nasabing mga oras.
Maging ang publiko ay inaabisuhan din na huwag lapitan o kunin ang rocket debris na matatagpuan sa karagatan dahil posibleng nagtataglay ito ng nakalalason o nakapipinsalang kemikal.
Payo pa ng PCG, agad na i-report sa kanilang mga tanggapan ang anomang kahina-hinalang bagay na matatagpuan sa karagatan matapos ang pagpapalipad ng rocket ng China.
(JESSE RUIZ)
99 