GEN Z TALKS ni LEA BAJASAN
SA social media, madalas hindi sapat ang magandang balita. Kailangan mas malaki, mas mamahalin, at mas nakagugulat. Kaya hindi na ako nagtaka nang mag-viral ang post ni Ivana Alawi matapos niyang bumili ng 100 piraso ng iPhone 17 na nagkakahalaga ng mahigit P4.28 milyon. Sino nga ba naman ang hindi mapahihinto sa pag-scroll kapag ganoon kalaki ang ipinamimigay?
Sa unang tingin, wala namang masama. Isang sikat na artista at content creator ang mamimigay ng mamahaling cellphone. Maraming natuwa. Marami ring umasa na baka isa sila sa mapili. Kung hanggang doon lang ang kuwento, malamang isa rin ako sa mga nagsabing napakalaking regalo nito para sa mga tagasubaybay niya.
Pero nagbago ang tingin ko nang silipin ko ang komento sa mismong Facebook post niya. Doon niya hinikayat ang mga tao na sundan ang page ng Casino Plus at tinawag pa nito bilang kanyang “Casino fam.” Doon ko nakita na hindi lang pala ito tungkol sa pamimigay ng iPhone. Bahagi rin ito ng pagpo-promote ng online casino na ineendorso niya.
Wala akong problema kung kumikita ang mga artista at influencer sa pag-eendorso ng mga produkto. Trabaho nila iyon. Naiintindihan ko ring malaki ang bayad ng mga kompanya dahil alam nilang may tiwala ang maraming tao sa mga iniidolo nila. Pero may mga produktong hindi basta puwedeng ituring na karaniwang negosyo. Isa na rito ang pagsusugal.
May mga nagsasabing libangan lang naman ang sugal. Totoo iyon para sa iba. Pero hindi rin maikakaila na marami na ring buhay ang nasira dahil dito. May mga nalubog sa utang.
May mga pamilyang nagkawatak-watak. May mga taong hindi na nakawala sa bisyo dahil sa paniniwalang babawi sila sa susunod na taya. Iyan ang bahagi ng kuwento na hindi makikita sa isang giveaway post.
Ang mas nakababahala para sa akin ay kung paano natatakpan ng mamahaling premyo ang tunay na layunin ng kampanya. Ang pinag-uusapan ng lahat ay ang 100 iPhone. Pero sa likod ng ingay na iyon ay isang online casino na lalo pang nakikilala. Hindi ang cellphone ang pangunahing produkto. Ang atensyon ng mga tao ang tunay na pinakikinggan at ginagamit.
May ilan ding nagsasabing nasa tao pa rin ang huling desisyon kung magsusugal siya o hindi. Sang-ayon ako roon. Walang influencer ang makapipilit sa isang tao na tumaya.
Pero hindi rin maitatanggi na malaki ang epekto ng impluwensiya. Kung wala itong silbi, hindi gugugol ng milyon ang mga kompanya para lamang kunin ang serbisyo ng mga sikat na personalidad.
Hindi ko kinukuwestiyon ang karapatan ni Ivana Alawi na tanggapin ang endorsement na gusto niya. Ang tanong ko ay kung ano ang naipakikita sa milyun-milyong taong sumusubaybay sa kanya. Kapag ang isang online casino ay ipinakilala sa pamamagitan ng mamahaling regalo at masayang content, mas madaling makalimutan ang panganib na kaakibat nito.
Ang pinakamalaking napanalunan ay maaaring hindi ang mga makatatanggap ng iPhone, kundi ang isang industriya na patuloy na kumikita habang mas maraming tao ang nahihikayat na subukan ang sugal.
96 