TATLONG CONTAINER NG UMANO’Y HAZARDOUS E-WASTE MULA US NAHARANG

HINARANG ng Bureau of Customs (BOC)-Port of Subic ang isang barkong may kargang tatlong container na naglalaman umano ng imported hazardous electronic waste o e-waste mula sa Estados Unidos.

Hindi pinayagang maibaba ang shipment sa Subic Bay Freeport matapos ipag-utos ni Port of Subic District Collector Geniefelle Lagmay na ibalik ito sa pinanggalingan o manatiling sakay ng barko dahil sa taglay nitong toxic o hazardous materials.

Ayon kay Port of Subic Deputy Collector for Operations Atty. Bong Arollado, labag sa Basel Convention at sa mga umiiral na batas ng Pilipinas ang pagpasok ng naturang hazardous e-waste.

Batay sa paunang intelligence report, may limang container ng hazardous waste na nakatakdang dumating sa bansa, ayon sa impormasyong ibinahagi ng Basel Action Network sa ilalim ng Operation Can Opener, na tumututok sa waste trafficking at route diversion mula sa New York, Estados Unidos.

Bukod sa naharang na shipment, nakaalerto rin ang BOC sa isa pang container ng e-waste na inaasahang darating sa Port of Subic sa Hulyo 29, 2026.

Matatandaang ilang container vans na rin ang naunang pinigil ng BOC sa Port of Subic dahil sa hinalang naglalaman ng mga e-waste mula sa Estados Unidos.

(JESSE RUIZ)

90

Related posts

Leave a Comment