MT. MACULOT SA BATANGAS BAWAL PA RING AKYATIN

NANANATILING mahigpit na ipinagbabawal ng Pamahalaang Lokal ng Cuenca, Batangas ang lahat ng uri ng pag-akyat sa Bundok Maculot.

Saklaw ng pagbabawal ang buong kabundukan, kabilang ang lahat ng ruta, bahagi ng bundok, at anomang layunin ng pag-akyat.

Nilinaw ng Tourism Office ng Cuenca na walang katotohanan ang mga kumakalat na pahayag na maaari nang umakyat sa ilang bahagi ng bundok gaya ng Rockies, o na tanging summit lamang ang sarado.

Ayon sa tanggapan, ang naturang mga impormasyon ay hindi dumaan sa barangay, sa lokal na pamahalaan, o sa kanilang opisina kaya’t hindi ito dapat paniwalaan.

Pinayuhan ang publiko na huwag magtangkang umakyat habang umiiral ang pagbabawal upang maiwasan ang anomang paglabag at panganib.

Para sa mga katanungan o paglilinaw kaugnay sa Bundok Maculot, hinihikayat ang publiko na makipag-ugnayan sa Tourism Office ng Cuenca sa pamamagitan ng kanilang opisyal na email, Facebook page, o personal na magtungo sa kanilang tanggapan sa Cuenca.

(NILOU DEL CARMEN)

82

Related posts

Leave a Comment