3 INIWANG PATAY NG BAGYONG KIYAPO

TULUYAN nang lumabas sa Philippine Area of Responsibility (PAR) ang Typhoon “Noul” (dating Bagyong Kiyapo), ngunit tatlo katao ang iniulat na nasawi dahil sa mga pag-ulan na dulot nito sa Mindanao, ayon sa Office of Civil Defense (OCD).

Ayon kay OCD Deputy Spokesperson Diego Agustin Mariano, kasalukuyan pang bina-validate ng ahensya ang ulat na isa ang namatay sa Davao at dalawa sa Sarangani. May isa ring iniulat na nawawala.

Nasa 59,987 pamilya o katumbas ng 285,172 katao ang naapektuhan ng southwest monsoon o habagat na pinalakas ng Tropical Storm Kiyapo.

Samantala, nananatili sa 51 evacuation centers ang 2,523 pamilya o 10,405 katao.

Iniulat din ng OCD na 261 kabahayan ang napinsala, kabilang ang 91 na tuluyang nawasak.

Umaabot na sa P5,515,862 ang halaga ng tulong na naipagkaloob ng pamahalaan sa mga naapektuhan ng bagyo at habagat.

Patuloy namang pinaaalalahanan ng OCD ang publiko na maging mapagmatyag, maghanda, at sundin ang mga abiso ng mga awtoridad ngayong panahon ng tag-ulan dulot ng habagat.

(JESSE RUIZ)

109

Related posts

Leave a Comment