ROMUALDEZ TULUYAN NANG NILAGLAG NI MARCOS

INIHAYAG ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na malapit nang magsampa ang Office of the Ombudsman ng mga kaso kaugnay ng umano’y mga anomalya sa flood control projects, kabilang ang laban sa kanyang pinsan na si dating House Speaker at Leyte Rep. Martin Romualdez.

Sa kanyang ikalimang State of the Nation Address (SONA) noong Lunes, sinabi ng Pangulo na dumating na sa yugto kung saan nakatakda nang ihain ng Ombudsman ang “patong-patong na kaso” laban sa dating House Speaker.

Si Romualdez ay kabilang sa mga iniuugnay sa umano’y katiwalian sa paggamit ng pondo para sa mga flood control projects, bagay na mariin niyang itinanggi.

“Masakit man sa atin ito, ngunit kailangan nating gawin ang tama. Hindi ako Pangulo ng aking pamilya. Hindi ako Pangulo ng aking kaibigan. Ako ay Pangulo ng Pilipinas at ang tungkulin ko ay sa inyo—ang aking mga kapwa Pilipino,” pahayag ni Pangulong Marcos.

Binalikan din ng Pangulo ang kanyang naging pahayag noong nakaraang taon tungkol sa umano’y katiwalian sa flood control projects.

Ayon sa kanya, isinagawa ng pamahalaan ang malawakan at masusing imbestigasyon nang walang kinikilingan at sinundan ang lahat ng ebidensyang nakalap.

“Lahat ng kailangang gawin ay ginawa natin upang matunton ang puno’t dulo,” ani Pangulong Marcos.

Sinabi rin ng Pangulo na bukod sa pagsasampa ng mga kaso, tiniyak ng pamahalaan na mababawi ang pondo ng bayan mula sa mga sangkot.

Ayon sa kanya, napigilan din ang pagpapalabas ng pondo para sa mga depektibo, peke o “guni-guning” proyekto na umano’y mapupunta lamang sa mga tiwaling kontratista at opisyal.

Iniulat ni Pangulong Marcos na umabot sa halos ₱25 bilyon ang halaga ng mga nabawi, na-freeze at napreserbang pera at ari-arian ng mga akusado, habang mahigit ₱800 milyon na ang naibalik sa National Treasury.

“Lahat ng mababawi mula sa mga sangkot na tiwali ay agad ibabalik sa kaban ng bayan,” aniya.

Idinagdag pa ng Pangulo na ipinauubaya na ng administrasyon ang pag-uusig sa Office of the Ombudsman at sa pinalakas na National Prosecution Service.

“Nananalig din tayo sa makatarungang hatol ng hukuman. Makaaasa kayo na ang gulong ng hustisya ay tumatakbo,” pagtatapos niya.

(CHRISTIAN DALE)

81

Related posts

Leave a Comment