PINATAWAN ng 30-araw na suspensyon ng Committee on Ethics and Privileges ng Sangguniang Panlalawigan (SP) ng Bulacan, ang isang bokal kaugnay ng ethics complaint na isinampa sa kanya ng kapwa niya bokal.
Sa 8-pahinang desisyon sa ilalim ng Resolution No. 629-S’2026, pinagtibay ng Sangguniang Panlalawigan ang pagpataw ng suspensyon kay Board Member Efren Bartolome Jr. ng Lone District ng Lungsod ng San Jose Del Monte, sa ginanap na regular session noong Hulyo 16.
Magugunitang pormal na naghain ng reklamo o ethics complaint na ‘sexual harassment’ si Board Member Romina Fermin ng Unang Distrito, laban sa kapwa niya board member na si Bokal Efren Bartolome Jr. sa Sangguniang Panlalawigan ng Bulacan noong Mayo 21, 2026.
Kabilang sa mga reklamong pinagtibay ay ang disorderly behavior at conduct unbecoming of a member of the Sangguniang Panlalawigan.
Ito ay dahil sa umano’y pambabastos sa complainant sa pamamagitan ng paghipo sa puwet nito sa isang official gathering.
Sa kanyang reklamo, sinabi nito na noong nakaraang Christmas Party ng Sangguniang Panlalawigan na ginanap sa Leticia’s Garden sa Calumpit, Bulacan, habang nasa isang official gathering ay hinawakan umano ni Bartolome ang kanyang beywang malapit aniya sa puwet at pinisil at piniga habang nakatalikod si Fermin, nang walang pahintulot at labag sa kanyang kalooban, na tahasang itinanggi ng respondent sa counter affidavit nito na inihain noong Hunyo 9.
Bukod sa 30-day suspension effective immediately, nang walang regular compensation, inatasan din sa ibinabang rekomendasyon, si Bartolome na sumunod sa pinakamataas na pamantayan ng gender decorum, professionalism, at personal restraint toward all colleagues, officers, and employees of the provincial government.
Ayon kay Vice Gov. Alex Castro, Presiding Officer ng SP, ang pinagtibay na resolusyon ng suspensyon kay Bartolome ay isisilbi sa linggong ito.
Sinabi ni Castro, ang isinagawang pagdinig ng Ethics Committee ay dumaan sa masusing imbestigasyon at pag-aaral sa mga konsiderasyon at rekomendasyon ng bawat Kasangguni kaugnay ng ibinabang resolusyon.
Samantala, wala pang opisyal na pahayag si Bartolome kaugnay ng kanyang suspensyon.
(ELOISA SILVERIO)
93 