P500-M WATER PROJECTS PARA SA 24-ORAS NA SUPPLY NG TUBIG SA LUCENA

INAASAHANG bubuti at hahaba ang oras ng suplay ng tubig sa Lucena City matapos ilunsad ang 14 waterworks infrastructure projects ng Hiraya Water Corporation, may kabuuang pamumuhunan na P500 milyon, sa ilalim ng bagong concessionaire ng lungsod.

Ayon sa lokal na pamahalaan, target ng mga proyekto na mapahaba ang water availability mula sa kasalukuyang 12 hanggang 18 oras at kalaunan ay maging 24-oras kada araw para sa mas maraming kabahayan sa lungsod.

Kabilang sa mga proyektong sisimulan ang retrofitting ng Tongko Reservoir sa Tayabas City, Don Victor Ville Source Development Project sa Brgy. Mayao Kanluran na makikinabang ang 366 kabahayan, total pipe replacement sa bahagi ng Old City Hall, at iba pang water infrastructure upgrades.

Pinangunahan nina Lucena City Mayor Mark Alcala at Vice Mayor Roderick Dondon Alcala, kasama si Hiraya Water Corporation owner Lucio Co, ang pagsisimula ng mga proyekto sa magkakahiwalay na lokasyon noong Linggo, Hulyo 26.

Ayon sa pamahalaang lungsod, layunin ng mga proyekto na matugunan ang matagal nang problema sa limitadong suplay ng tubig at mapalawak ang saklaw ng serbisyo sa iba’t ibang barangay.

Umaasa naman ang lokal na pamahalaan at ang Hiraya Water Corporation na sa oras na makumpleto ang mga proyekto, magkakaroon na ng mas maayos, tuloy-tuloy at de-kalidad na serbisyo ng tubig para sa libo-libong residente ng Lucena City.

(NILOU DEL CARMEN)

95

Related posts

Leave a Comment