WALANG namatay sa 30 pasahero na sakay ng Rimon passenger bus, nang agad silang ma-rescue matapos na bumulusok sa malalim at mapunong bangin sa Loay-Carmen Interior Road sa Barangay Villa Aurora, Bilar, Bohol.
Nasa 25 emergency responders mula sa iba’t ibang ahensiya ang mabilis na idineploy matapos na matanggap ang distress call kaugnay sa pagkahulog ng passenger bus sa bangin.
Kabilang sa mga nagresponde ang mga tauhan ng Bilar Fire Station, Loboc Fire Station, Bureau of Fire Protection’s Special Rescue Force mula 1st at 3rd Districts, Bilar Search and Rescue Unit, Bilar Municipal Police Station, at TaRSIER 117.
Ayon sa City Disaster Risk Reduction Office, tampok sa matagumpay na rescue operation ang mabilis na pagkilos at koordinasyon at kahandaan ng emergency responders at iba pang partner agencies, na tumiyak sa ligtas na evacuation ng mga sakay ng bus mula sa lugar ng insidente.
Ayon sa ulat ng Bohol PNP, naganap ang sakuna bandang alas-2:00 ng hapon nang magkaroon ng problema sa steering mechanism ng bus hanggang sa hindi na ito nakontrol ng driver na nagkaroon din ng bahagyang pinsala sa katawan.
Base sa pagsisiyasat, binabagtas ng Rimon bus ang national highway mula Talibon patungong Tagbilaran City, nang mag-malfunction ang steering wheel ng sasakyan at dahan-dahan itong dumiretso sa gilid ng kalsada hanggang mahulog sa gilid ng burol at nagtuloy-tuloy sa mapunong bahagi.
Ayon sa Bilar Municipal Police Station, kahit grabe ang pagbulusok ng bus ay ligtas naman ang lahat at walang major injuries ang mga pasahero.
(JESSE RUIZ)
96 