IPINAHAYAG ni Manila City Mayor Francisco “Isko” Moreno Domagoso ang buong suporta sa ikalimang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., at tiniyak na handang makipagtulungan ang Pamahalaang Lungsod ng Maynila sa pambansang pamahalaan upang maisakatuparan ang mga programang makikinabang ang mamamayan.
Sa inilabas na pahayag matapos ang SONA, sinabi ni Domagoso na malinaw na kinikilala ng Pangulo ang mahalagang papel ng mga lokal na pamahalaan sa pagsusulong ng kaunlaran ng bansa.
Ayon sa alkalde, ang ipinakitang tiwala ng Pangulo sa local government units (LGUs) ay isang malaking pananagutan na dapat tumbasan ng konkretong resulta.
“Ang kumpiyansa ng Pangulo sa lokal na pamahalaan ay pananagutan naming suklian ng resulta, hindi ng pangako,” ani Domagoso.
Dagdag pa niya, ang tiwalang ito ang nagsisilbing inspirasyon upang lalo pang pagbutihin ng pamahalaang lungsod ang pagpapanatili ng kalinisan at kaayusan sa Maynila, pagpapalakas ng serbisyong pangkalusugan at edukasyon, pagpapaigting ng kapayapaan at kaayusan, modernisasyon ng imprastraktura, at matiyak na bawat pisong ipinagkakatiwala sa lungsod ay nagagamit nang tama, malinaw, at para sa kapakinabangan ng bawat Manileño.
Binigyang-diin din ni Domagoso na matagal nang naniniwala ang Maynila na nagsisimula ang mahusay na pamamahala sa epektibong pamumuno sa lokal na antas, kaya mahalaga ang patuloy na pagtutulungan ng pambansa at lokal na pamahalaan.
Ayon sa alkalde, apat sa mga pangunahing prayoridad na binigyang-diin ng Pangulo sa kanyang SONA ang may direktang epekto sa mga LGU: ang pagtaas ng National Tax Allotment (NTA), pagpapalakas ng kakayahang pinansyal at administratibo ng mga lokal na pamahalaan, mas mahusay na koordinasyon sa pagitan ng mga ahensya ng gobyerno at LGUs, at pagbibigay ng mas malaking responsibilidad sa mga lokal na pamahalaan sa paghahatid ng mga pangunahing serbisyo at pagpapatupad ng mga programang pangkaunlaran.
Malugod ding tinanggap ni Domagoso ang hakbang ng administrasyon upang tugunan ang matagal nang problema sa sistema ng pagsingil ng kuryente sa bansa.
“Nagpapasalamat tayo sa Pangulo sa mga kongkretong hakbang upang maresolba ang suliraning ito. Ang mga repormang magpapalakas sa kahusayan, transparency, at pananagutan sa sektor ng kuryente ay tiyak na makikinabang ang milyun-milyong Pilipino, kabilang ang mga taga-Maynila,” ani Domagoso. (BP)
100 