PBBM DETERMINADONG IPATUPAD LAHAT NG NILAGDAANG PEACE AGREEMENTS — OPAPRU CHIEF

DETERMINADO ang administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na maipatupad ang lahat ng ipinangako ng pamahalaan sa ilalim ng mga nilagdaang peace agreements sa iba’t ibang rebel groups sa bansa.

Ito ang binigyang-diin ni Office of the Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity (OPAPRU) Secretary Mel Senen S. Sarmiento kasunod ng naging pahayag ng Pangulo sa kanyang ikalimang State of the Nation Address (SONA) noong Hulyo 27 sa Batasang Pambansa Complex sa Quezon City.

“The President has made it clear in his SONA this year that he is committed, more than ever, to fully comply with the deliverables of the government under all signed peace accords with various rebel groups,” ani Sarmiento.

“Si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ay nakatuon hindi lamang sa pagbuo ng mga kasunduang pangkapayapaan, kundi maging sa pagpapatupad ng mga ito. Tinitiyak ng Administrasyong Marcos na tutuparin ng Pamahalaan ng Pilipinas (GPH) ang lahat ng obligasyong pinasok nito sa ilalim ng iba’t ibang kasunduang pangkapayapaan,” dagdag niya.

Sinabi rin ni Sarmiento na hindi natinag ang Pangulo sa kanyang pangakong isulong ang kapayapaan dahil ito ang pundasyon ng pambansang seguridad.

Sa kanyang SONA, inihayag ni Pangulong Marcos ang kahandaan ng pamahalaan na lumagda sa kasunduang pormal na magtatapos sa peace process sa pagitan ng gobyerno at ng Cordillera Bodong Administration-Cordillera People’s Liberation Army (CBA-CPLA). Binigyang-diin din niya ang patuloy na suporta ng administrasyon sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).

“Isang mahaba ngunit sulit na 15 taon mula nang ito ay lagdaan, handa na tayo ngayong pormal na tapusin ang makasaysayang kasunduang pangkapayapaan ng pamahalaan kasama ang CBA-CPLA,” pahayag ng Pangulo.

Ayon kay Sarmiento, mahalagang hakbang ang pormal na pagtatapos ng peace process sa CBA-CPLA dahil isa itong malaking milestone sa komprehensibong peace process ng bansa.

Ipinaalala rin niya na ang Mt. Data Peace Accord (Sipat) na nilagdaan noong Setyembre 13, 1996 ang nagwakas sa armadong tunggalian sa pagitan ng pamahalaan at ng CBA-CPLA.

Noong Hulyo 4, 2011, nilagdaan naman ang Memorandum of Agreement (MOA) na naglatag ng proseso ng decommissioning ng grupo at pagpapatupad ng iba’t ibang socio-economic programs para sa mga miyembro nito, kanilang mga pamilya at komunidad.

Binigyang-diin ni Sarmiento na ang kamakailang paglagda sa Substantial Compliance Agreement (SCA) sa pagitan ng pamahalaan at ng CBA-CPLA ay nagpapatunay na malaking bahagi ng mga obligasyon sa ilalim ng 2011 Closure Agreement ay naisakatuparan na ng magkabilang panig.

“Inilalapit ng SCA ang 1986 Mt. Data Peace Process sa pormal na pagtatapos nito pagkatapos ng halos apat na dekada. Tinitiyak nito ang patakaran ng Pangulo na ang mga kasunduang pangkapayapaan ay dapat humantong sa mga konkretong resulta at hindi maging mga hindi natapos na pangako lamang,” paliwanag ni Sarmiento.

Dagdag pa niya, ang kaparehong prinsipyo ang sinusunod ng pamahalaan sa pagpapatupad ng mga peace agreement sa Moro National Liberation Front (MNLF), Moro Islamic Liberation Front (MILF) at Rebolusyonaryong Partido ng Manggagawa ng Pilipinas–Revolutionary Proletarian Army–Alex Boncayao Brigade (RPMP-RPA-ABB), na ngayon ay kilala bilang KAPATIRAN, upang matiyak na ang mga kasunduan ay magbubunga ng tunay at pangmatagalang kapayapaan.

(JESSE RUIZ)

73

Related posts

Leave a Comment