PAGTATAYO NG PROVINCIAL HOSPITAL SA BATANGAS NAGDULOT NG BANGAYAN

NAMEMELIGRONG mawala at hindi matuloy ang pondo para sa nakatakdang itatayong provincial hospital sa bayan ng San Juan sa Batangas dahil sa patuloy na debate at bangayan ng ilang mga opisyal kaugnay ng tamang lokasyon nito.

Ngunit nanindigan si San Juan Mayor Ildebrando “Beebong” Salud na matutuloy at itatayo ang nasabing ospital para sa mamamayan.

Naging mainit na usapin sa San Juan, Batangas ang lokasyon ng itatayong provincial hospital na inaasahang magpapalawak sa serbisyong pangkalusugan ng mga San Juaneño.

Unang kinumpirma ni Mayor Salud na sa Barangay Muzon nakatakdang itayo ang pasilidad matapos mag-donate ng isang ektaryang lupain ang dating punong bayan na si Rodolfo Manalo.

Ayon sa alkalde, malaking tulong ito dahil makatitipid ng humigit-kumulang P20 milyon ang pamahalaang bayan na maaari pang magamit sa iba pang programa at serbisyo.

Subalit tinututulan ito ng ilang miyembro ng Sangguniang Bayan. Giit nila, masyadong malayo ang Brgy. Muzon dahil nasa boundary na ito ng Rosario, Batangas at malayo sa 28 barangay sa timog na bahagi ng bayan, kabilang na ang sikat na tourist destination na Laiya.

May mga alternatibong lokasyon na ipinapanukala ang SB tulad ng municipal motorpool o kaya’y sa sinasabing ido-donate na lupa ni Vice Mayor Anthony Marasigan sa Brgy. Mabalanoy. Dahil dito, kinukwestyon ni Mayor Salud kung nasaan na ang ipinangakong donasyon ng bise alkalde lalo’t may itinatakdang deadline ang pamahalaang panlalawigan.

“May hinahabol po tayong panahon na ibinigay sa atin ng Pamahalaang Panlalawigan sa pangunguna ng ating Gobernador. Ayaw po nating masayang ang pondo at pagkakataon na magkaroon tayo ng Provincial Hospital sa San Juan. Kaya kung may donasyon na handa na at makakatipid pa ang bayan ng humigit-kumulang 20 milyong piso, bakit natin patatagalin at haharangan? Ang mahalaga po rito ay ang kalusugan at kapakanan ng ating mga kababayan sa San Juan!” ayon kay Mayor Beebong Salud.

Samantala, nagsagawa na ng Consultative Meeting ang Sangguniang Bayan kasama ang Liga ng mga Barangay sa pangunguna ni LnB president Liwelyndo Vergara, upang talakayin ang legal at teknikal na aspeto ng usapin.

Ayon sa ilang miyembro ng SB, mas pabor umano ang karamihan sa mga miyembro nila na sa motorpool na lamang ilagay ang ospital dahil nasa gitna ito ng bayan.

Sa gitna ng usaping ito, nanawagan din ang mga residente ng San Juan na huwag kalimutan at paglaanan din ng pondo ang kasalukuyang San Juan District Hospital na hanggang ngayon ay kulang na kulang pa rin sa mga gamit at pasilidad para sa mga pasyente.

(NILOU DEL CARMEN)

117

Related posts

Leave a Comment