MATAPOS mapatunayan ang paglabas at encashment ng ₱612.5 milyong confidential funds, ililipat na ng prosekusyon ang pokus ng impeachment trial sa pagsisiyasat kung paano ginamit, niliquidate at ginasta ang naturang pondo ng Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd) sa ilalim ng pamumuno ni Vice President Sara Duterte.
Ayon kay House Prosecutor at Manila Rep. Joel Chua, ang susunod na yugto ng paglilitis ay tututok sa mga dokumento at audit findings ng Commission on Audit (COA) kaugnay ng paggamit ng confidential funds.
“Ang susunod na ipe-present natin, COA dahil ito naman ‘yung paano ginamit, paano niliquidate, saan dinala,” ani Chua.
Dalawang opisyal ng COA ang ihaharap ng prosekusyon bilang mga bagong testigo sa Lunes, Agosto 3, upang patunayan ang mga akusasyon ng culpable violation of the Constitution, graft and corruption, at betrayal of public trust na may kaugnayan sa umano’y maling paggamit ng confidential funds.
Sa ika-10 araw ng impeachment trial, kapwa kinumpirma nina dating Land Bank of the Philippines (LandBank) branch managers Violeta Constantino at Nenita Camposano ang encashment ng apat na tseke ng OVP na nagkakahalaga ng ₱125 milyon bawat isa sa LandBank Shaw Boulevard branch, gayundin ang tatlong tseke ng DepEd na nagkakahalaga ng ₱37.5 milyon bawat isa sa LandBank DepEd branch sa pagitan ng Disyembre 2022 at Hulyo 2023.
Ayon sa mga saksi, inilabas ang malaking halaga ng pera sa mga bundle at inilagay sa malalaking bag na kahawig ng gym bags.
Sinabi naman ni House Prosecution Spokesperson at Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong na sa mga susunod na araw ng paglilitis ay ilalahad ng prosekusyon ang naging paggalaw ng naturang pondo.
“Sabay-sabay po nating sundan ang money trail dahil ang pagpapaliwanag para sa taong-bayan mula po sa kanilang pondo o pera ay hindi dapat magtapos sa apat na gym bags,” ani Adiong.
Binigyang-diin ni Adiong na napatunayan sa testimonya ng mga dating LandBank branch managers na ang pera ng taumbayan mula sa National Treasury ay direktang napunta sa mga awtorisadong kinatawan ng Bise Presidente.
(TINA MENDOZA)
67 