IKINATUWA ni Senador Mark A. Villar ang pagsasabatas ng Republic Act No. 12321 o Last Mile and Geographically Isolated and Disadvantaged Areas (GIDA) Schools Act, na layong palawakin ang access sa dekalidad at inklusibong edukasyon para sa mga mag-aaral sa pinakamalalayo at pinaka-nangangailangang komunidad sa bansa.
Bilang co-author ng panukala, sinabi ni Villar na mahalagang reporma ang batas upang mabawasan ang agwat sa kalidad ng edukasyon sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Sa ilalim ng batas, ang Last Mile at GIDA schools ay tumutukoy sa mga pampublikong paaralang nasa geographically isolated and disadvantaged areas, mga paaralang may hindi bababa sa 75 porsiyentong Indigenous Peoples (IP) learners, at mga paaralang nasa komunidad na apektado ng armadong tunggalian, kawalan ng seguridad, panganib ng kalamidad, at iba pang sitwasyong kinikilala ng Department of Education (DepEd) bilang hadlang sa dekalidad na edukasyon.
Ayon kay Villar, marami sa mga naturang paaralan ang kulang sa silid-aralan, suplay ng kuryente, internet, malinis na tubig, pasilidad sa sanitasyon, learning resources at mga guro.
“Hangad natin na sa batas na ito, mababawasan ang mga balakid tungo sa dekalidad na edukasyon na kasalukuyang kinakaharap ng Last Mile at GIDA schools,” ani Villar.
Sa ilalim ng batas, pangungunahan ng DepEd ang pagpapatupad ng isang komprehensibo at pangmatagalang programa para sa Last Mile at GIDA schools sa pamamagitan ng mas maayos na pagpaplano, sapat na pondo, at mas matatag na koordinasyon ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan.
Kabilang sa mga prayoridad ang pagpapaunlad ng mga pasilidad ng paaralan, pagpapalawak ng internet connectivity, deployment at pagsasanay ng mga guro, paglalaan ng sapat na learning resources, at iba pang mahahalagang serbisyong pang-edukasyon.
Isinusulong din ng batas ang alternative learning modalities, mas angkop na staffing standards at funding formulas, school feeding, health at psychosocial services, maaasahang access sa tubig, sanitasyon at kuryente, integrasyon ng Indigenous Knowledge Systems and Practices (IKSP) sa mga komunidad ng Indigenous Peoples, at teacher performance evaluation systems na naaayon sa kalagayan ng Last Mile at GIDA schools.
“This GIDA Act will complement our current efforts to address the multi-faceted crisis in education, as it will not only target infrastructure problems, but also provide context-responsive programs,” ani Villar.
Nagpahayag din ang senador ng kumpiyansa na makatutulong ang batas sa pagpapaliit ng agwat sa edukasyon sa pamamagitan ng pagbibigay ng pantay na oportunidad sa bawat mag-aaral.
“Ang edukasyon ay hindi dapat nakadepende sa kung saan ipinanganak o nakatira ang isang bata. Sa pamamagitan ng batas na ito, mas abot-kamay na ng ating mga kabataan ang kanilang mga pangarap dahil mas mailalapit natin ang dekalidad na edukasyon sa mga mag-aaral sa mga liblib at mahihirap na komunidad,” dagdag niya.
“Kapag mas matatag ang ating mga paaralan, mas malaki ang pagkakataon ng bawat batang Pilipino na makapagtapos at magkaroon ng mas magandang kinabukasan. They surely make a MARK as nation-builders and productive citizens of our country,” pagtatapos ni Villar.
(DANNY BACOLOD)
69 