HIRIT NINA LEVISTE, PARAS SA ‘HONEYTRAP PLOT’ VS RECTO TINABLA NG NBI

TINANGGIHAN ng National Bureau of Investigation (NBI) ang hiling ng kampo nina Batangas 1st District Rep. Leandro Leviste at dating Negros Oriental Rep. Jacinto “Jing” Paras na mabigyan ng kopya ng case record kaugnay ng umano’y “Honeytrap” o sex scandal plot laban kay Executive Secretary Ralph Recto.

Bagama’t hindi personal na dumalo sa ipinatawag na imbestigasyon ng NBI-NCR nitong Huwebes, kapwa nagsumite ng liham sina Leviste at Paras upang humiling ng kopya ng case records, ngunit hindi ito pinagbigyan ng ahensya.

Hiniling ni Atty. Mark Tolentino, abogado ni Paras, na mabigyan sila ng kopya ng mga dokumento upang mapag-aralan bago humarap sa imbestigasyon.

Ayon kay NBI-NCR Regional Director Emeterio Dongallo Jr., mahigpit na ipinagbabawal ang paglalabas ng mga dokumento dahil kumpidensyal ang isinasagawang imbestigasyon.

Tumanggi rin si Dongallo na pangalanan ang dalawa pang indibidwal na nakatakdang imbitahan ng NBI kaugnay ng isyu ng umano’y “suki ng mga bebot.”

Nilinaw ni Dongallo na sa kasalukuyan ay hindi pa itinuturing na respondents sina Leviste at Paras kundi bahagi lamang sila ng case build-up upang mabigyan ng pagkakataong maipaliwanag ang kanilang panig.

Taliwas ito sa naunang pahayag ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla na person of interest si Paras sa naturang isyu.

(JULIET PACOT)

49

Related posts

Leave a Comment