Kung si dating presidential spokesperson Harry Roque ang tatanungin, hindi dapat mabahala ang pamahalaan sa resolusyon ng United Nations Human Rights Council (UNHRC) na nagpapaimbestiga sa naging kondukta ng drug war ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte.
“Toothless tiger” ang deskripsyon ng international law expert na si Atty. Roque sa UNHRC dahil isang “shaming mechanism” lang ang mga resolusyon nito at hindi naman kayang ipatupad ito nang walang pagsang-ayon ang mga bansa na subject ng human rights inquiry gaya ng Pilipinas.
Sa saligan, ang naturang resolusyon ng UNHRC ay manipesto lang ng 18 bansa na pumirma rito na isang minoryang maituturing dahil 47 ang member-countries ng naturang konseho ng United Nations.
Ito ang paliwanag ni Roque: “UNHRC’s mandate is limited to periodic review of individual states compliance with treaty obligations through thematic and country-specific rapporteurs.
Idinagdag pa ni Roque na ang mga naturang rapporteurs ay kailangang imbitahin ng isang member-country gaya ng Pilipinas para makapagsagawa ng imbestigasyon. Karapatan din ng member-country na hindi payagang makapasok ng bansa ang mga rapporteurs at ito ay naaayon sa patakaran ng UN.
Nangangahulugan lang ito na mas mahalaga sa UN ang soberanya ng member-countries nito at hindi papayagan na malabag ang mga internal na batas ng mga bansang miyembro ng UN.
Kaya nga karapatan din ng UN member-countries na umalis sa mga komisyon gaya ng UNHRC na siyang ginawa noon ng Estados Unidos noong kasagsagan ng imbestigasyon sa kalagayan ng international terrorists na nakakulong sa detention centers ng US bilang bahagi ng “US war on terror” matapos ang 9-11.
Ang Philippine National Police (PNP) ang nangunguna sa “war on drugs” at ayon kay PNP chief PGen Oscar Albayalde, umaabot lang sa 6,600 ang napatay sa giyera laban sa droga mula Hulyo 2016 hanggang Mayo 2019.
Kamakailan ay hinamon ni PGen Albayalde ang human rights groups na bigyang liwanag ang sinasabi nilang 27,000 katao na napatay sa “drug war” na siya ring datos na ginamit sa UNHRC resolution na inisponsoran ng bansang Iceland.
“We have the list of the 6,600 deaths in the war on drugs. Ours is covered by data, records, and these are all submitted to the Office of the Solicitor General. Can we have probably a list of these 27,000 na pinaulit-ulit nilang sinasabi? Show us the list, the names, and we will gladly investigate all of these kung totoo man ‘yan,” ani Albayalde sa isang panayam sa mga mediamen sa Camp Crame in Quezon City.
Kung susuriin ang naging botohan sa 41st regular session ng UNHRC sa Geneva, Switzerland, karamihan ng 18 bansang bumoto sa resolusyon ng Iceland ay mga bansa sa Europa na malamang ay kumukuha lang ng impormasyon mula sa human rights groups na kritikal sa administrasyong Duterte.
Umabot naman sa 14 na bansa ang bumoto laban sa resolusyon ng Iceland samantalang 15 bansa ang nag-abstain o hindi bumoto dahil marahil sa kawalan ng sapat na impormasyon sa war on drugs sa Pilipinas.
Gaya ng sinabi ni Atty. Roque, hindi dapat mabahala ang pamahalaan sa UNHRC resolution dahil hindi ito “unenforceable” o hindi puwedeng ipilit sa Pilipinas at ang habol lang dito ng mga bumotong pabor sa Iceland resolution ay “propaganda value” para hiyain ang Pilipinas. (Sidebar / RAYMOND BURGOS)
305