(NI NICK ECHEVARRIA)
IPINATUPAD na ng Philippine National Police (PNP) ang panibagong balasahan sa kanilang hanay base sa rekomendasyon ng Senior Officers Placement and Promotion Board (SOPPB) epektibo nitong Huwebes.
Sa inaprubahang mga bagong designations ni PNP chief Gen. Oscar Albayalde, kabilang sa mga naapektuhan sina P/BGen. Reynaldo Biay ng Civil Security Group (CSG) na inilipat bilang bagong director ng Directorate for Research and Development, habang si Highway Patrol Group (HPG) director PBGen. Roberto Fajardo ang ipinalit bilang bagong director ng CSG.
Si PGen. Eliseo Cruz mula sa Southern Police District (SPD) ang humalili sa iniwang posisyon ni Fajardo sa HPG, samantalang si Eastern Police District (EPD) Director Brig. Gen Nolasco Bathan na katatalaga pa lamang sa loob ng isang buwan at 19 na araw ang bagong director ng SPD.
Pumalit naman sa EPD si P/Gen. Johnson Almazan mula sa Directorate for Integrated Police Operations (DIPO)-Visayas bilang executive officer habang si P/Col. Alexander Sampaga ng Directorate for Human Resource and Doctrine Development (DHRDD) ang siyang itinalaga bilang acting executive officer ng DIPO-Visayas.
Kinumpirma naman ni National Capital Region Police Office (NCRPO) chief, Maj. Gen. Guillermo Eleazar ang pagkakalipat ni Mandaluyong City Police Chief Col. Moises Villaceran bilang bagong hepe ng Pasig City kapalit ni P/Col. Rizalito Gapas na inaasahang itatalaga bilang provincial director.
Samantalang si Villaceran ay papalitan naman ni P/Col. Remigo Sedanto bilang bagong hepe ng Mandaluyong City.
“Sa mga COP umalis na yung Pasig naging PD na kasi promotion kaya nabakante yung sa Mandaluyong almost 2 years so ililipat natin siya dun sa Pasig magaling naman yun kaya nilipat sa command guidance. Also included the district directors in SPD and EPD its normal career move,” paliwanag ni Eleazar.
141