(Unang bahagi)
Wala na yatang panahong hindi mainit o masalimuot ang talakayan pagdating sa usapin ng bigas mula nang ako’y magkamuwang, lalo na itong huling dalawang dekada.
Minsan, nariyan ang kakulangan ng bigas, sobrang taas ng presyo, habang lalabas na may nabubulok na tone-toneladang bigas sa imbakan ng isang ahensiya ng pamahalaan.
May mga panahon ding parang blockbuster na pelikula ang bigas na pinipilahan ng mga tao sa iba’t ibang tindaan sa maraming bahagi ng bansa.
Sa mahabang panahon, nakasentro ang mga usapin sa mataas na halaga, at madalas ay kakulangan ng bigas para sa mga Filipino.
Kasabay nito ay ang katotohanang marami namang magsasaka ng bigas ang patuloy na nagrereklamo dahil kahit mahal ang presyo ng bigas sa mga tindahan ay binabarat naman sila madalas ng mga mamumuhunan ng palay.
At lalo pang naging mainit ang isyu nang nagkaroon ng Rice Tariffication Law na naglagay ng mga pagbabago sa dati nang namamayaning Agricultural Tariffication Act ng 1996.
Sadyang masalimuot, maraming kawing-kawing na posisyon at interes ang nakapaloob sa isyu, kaya’t mainit talaga ang usaping bigas para sa mga Filipino.
Susubukan nating unawain sa artikulong ito at sa mga karugtong nito ang aking paglalarawan sa usapin ng bigas para sa mga Filipino.
Kung ibabatay ko kasi sa aking sariling obserbasyon, madalas itong pagtalunan sa napakahaba nang panahon sa iba’t ibang larangan ng media. Marahil dahil nakaugnay dito ang isyu na pinakabatayan at pinakamalapit sa mga sikmura ng mga Filipino—pagkain at kagutuman.
Ang bigas kasi ang itunuturing na “staple food” o pangunahing pagkain para sa mamamayang Filipino. At maliit man o malaki ang krisis sa bigas, madali itong maramdaman at mabilis makaapekto sa kalagayan ng bansa.
Kaya, hindi lang ito masalimuot na usaping pang-sikmura, ito ay mainit na usaping politikal. (Psychtalk / EVANGELINE C. RUGA, PhD)
