ANG TRAHEDYA NI GEN. TOMOYUKI YAMASHITA

SIDEBAR

Sa pamamagitan ng Republic Act No. 11216, idineklara ang Setyembre 3 ng taong kasalukuyan at mga susunod na taon bilang isang national holiday para gunitain ang pagsuko ni Gen. Tomoyuki Yama­shita na siyang commanding general ng Imperial Ja­panese Army sa Pilipinas sa pagtatapos ng World War II.

Special working holiday sa buong bansa ang Set­yembre 3 ayon sa RA 11216 na pinirmahan ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Pebrero 13. Ibig sabihin, holiday pero may pasok at lalong walang holiday pay sa mga manggagawa.

Si Baguio City Rep. Mark Go ang pangunahing may-akda ng panukalang batas na naglalayong bigyan ng importansya ang pormal na pagsuko ni Yamashita na resulta ng maigting na pakikidigma ng mga gerilyang Filipino sa Battle of Bessang Pass na nagsimula noong Enero 1945 at nagtapos noong Hunyo 14 matapos ang limang buwang walang humpay na pakikidigma sa mga Hapones.

Setyembre 3 ang opis­yal na pagsuko ni Yama­shita sa mga opisyal ng US Army.

Masasabi kong isang trahedya ang nangyari sa Pilipinas kay Gen. Yamashita dahil maraming war crimes ang ibinintang sa kanya na wala naman siyang kinalaman. Isa na rito ang mga pagsunog at pagpatay sa mga sibilyan sa Lungsod ng Maynila na gawa ng mga Japanese Marines na nasa command ng Japanese Navy at hindi na abot ng responsibilidad ni Yamashita na nakabase na noon sa Kiangan, Ifugao.

Oktubre 10, 1944 na-deploy sa Pilipinas si Gen. Yamashita para organisahin ang depensa ng bansa laban sa mga paparating na Amerikano na aktuwal na nag-landing sa Leyte noong Oktubre 20, 1944 sa pamumuno ni Gen. Douglas MacArthur.

Ibig sabihin, naging abala na si Yamashita sa pag-atras sa Norte ng kanyang puwersang binubuo ng 262,000 sundalong Hapones kung saan 152,000 tropa nito ay nakakalat sa Kiangan, Ifugao at sa mga bundok sa paligid ng Bessang Pass.

Kaya nga imposibleng makakulimbat ng kayamanan si Gen. Yamashita dahil limang buwan lang ang inilagi niya sa Singapore at Malay at pagkatapos noon ay pinatawag na siya sa bansang Hapon bago dineploy sa Manchukuo na mayroong puppet government.

At dahil abala siya sa paglalatag ng depensa ng Northern Luzon mula Oktubre 1944 hanggang sa kanyang pagsuko noong Setyembre 2, 1945, mahirap isipin kung saan niya kukuhanin ang mga ginto sa Ifugao lalo na ang sinasabing “Golden Buddha” na nahukay sa Baguio City.

Sayang lang at walang naisulat na biography kay Gen. Tomoyuki Yamashita na isang mahusay na military tactician at strategist sa Imperial Japanese Army. Doble trahedya tuloy ang nangyari sa kanya dahil bukod sa napagkaitan na siya ng hustisya ay napagkaitan din siya na maikwento ang kanyang buhay bilang mahusay na heneral.

236

Related posts

Leave a Comment