(NI BERNARD TAGUINOD)
MAGKAKAROON ng hiwalay na social security ang mga Overseas Filipino Workers (OFWs) kapag naipasa ang panukalang batas na ihiwalay ang mga Filipino na nagtatrabaho sa ibang bansa sa mga Social Security System (SSS).
Sa ilalim ng House Bill (BH) 150 o “Overseas Filipino Workers Retirement System Act of 2019” na inakda ni Sagip party-list Rep. Rodante Marcoleta, nais nito na magkaroon ng hiwalay na social security ang mga OFWs.
“At present, the Social Security System program for OFWS officer limited pension benefits which matures only at the age of 60,” paliwanag ni Marcoleta sa kanyang panukala.
Ayon sa mambabatas, kailangang unawain na ang mga OFWs ay mga contractual workers sa ibang bansa at mas madalas ay nagreretiro ang mga ito sa kanilang trabaho o iniiwan ang overseas works ng mas maaga.
Nangangahulugan na hindi naghihintay ang mga ito sa edad 60 anyos bago iwanan ang kanilang trabaho sa ibang bansa subalit walang natatanggap ang mga ito na pensyon sa SSS kung saan miyembro ang mga ito ngayon.
Dahil dito, nais ng mambabatas na magkaroon ng hiwalay na SSS ang mga OFWs upang hindi na sila kailangang maghintay sa edad 60 anyos para magkaroon ang mga ito ng pensyon.
Nais ng kongresista na pag-uwi ng mga Filipino mula sa ilang taong pagtatrabaho sa ibang bansa ay mayroong aasahan na pensyon ang mga ito kaya kailangang magkaroon ang mga ito ng sariling social security.
“As our modern day heroes, OFWs deserve to be given appropriate benefit and be accorded greater security after their employment days are over,” ayon pa sa mambabatas.
Pagkilala umano ito sa mga OFWs dahil galing sa mga ito ang 20% sa Gross Domestic Product (GDP) kaya buhay na buhay ang ekonomiya ng bansa sa kasalukuyan.
