PAMPANGA “NINJA COPS”

SIDEBAR

Kilalang may integridad at mahusay na opisyal ng Philippine National Police si retired Gen. Benjamin Magalong kaya hindi siya naging PNP chief ay sa dahilang ayaw niyang baguhin ang kanyang investigation report sa pagkamatay ng 44 commando ng PNP-Special Action Force noong Enero 2015.

CIDG director din si Magalong nang maatasan ng noo’y PNP chief Gen. Alan Purisima na imbestigahan ang intelligence chief ng Pampanga police provincial office at mga tauhan ng Pampanga Anti-Illegal Drugs Special Operations Task Group (PAID-SOTG) matapos makatanggap ng ulat na sabay-sabay bumili ng mga bagong SUV (sport utility vehicle) ang mga nasabing pulis.

Kabilang sa mga inimbestigahan ng CIDG sina Supt. Rodney Louie Baloyo IV, hepe ng Pampanga PPO intelligence branch; Senior Insp. Joven De Guzman Jr., hepe PAIDSOTG at mga tauhan nitong sina Senior Police Officers Jules Lacap Maniago, Donald Castro Roque, Ronald Bayas Santos, Rommel Munoz Vital, Alcindor Manguduyos Tinio, Dante Mercado Dizon, at Eligio Dayos Valeroso; PO3 Dindo Singian Dizon, Gilbert Angeles De Vera and Romeo Encarnacion Guerrero Jr.; PO2 Anthony Loleng Lacsamana at Jerome Capati Bugarin.

Base sa nakalap na ebidensiya ni Magalong, 200 kilo ng shabu ang nakumpiska ng mga nabanggit na pulis sa isang Johnson Lee sa loob ng Lakeshore subdivision sa Mexico, Pampanga noong Nobyembre 29, 2013. Pero 38 kilo lang ng shabu ang deklarado ng mga sinasabing ninja cops na nangangahulugang ibinenta muli sa merkado ang balanseng 162 kilos na nagkakahalaga noon ng P648 milyon.

Hindi rin idineklara ang P10 milyon na nakuha kay Johnson Lee at sa halip na sampahan ng kaso ay pinalaya ang mga ito kapalit ng P50 million, ayon pa rin kay Magalong.

Nagsagawa rin ng operasyon ang mga Pampanga ninja cops sa Woodbridge Subdivision sa bayan din ng Mexico at dito naaresto ang Chinese national na si Ding Wenkun, 30 anyos, at Ruel Luage Cabag. Nakumpiska sa kanila ang 38 kilos ng shabu na nagkakahalaga ng P182 million na unang nakuha kay Johnson Lee.

Tipikal na modus operandi ng ninja cops ang ganitong uri ng drug operation kung saan pinakakawalan ang mas malaking drug lord na kayang magbayad ng malaking pera at ikakarga sa ibang huli ang mas maliit na volume ng shabu gaya ng nangyari sa Mexico, Pampanga.

Si Chief Supt. Raul Petrasanta ang PNP regional director sa Central Luzon na nagsampa ng kasong kriminal at administratibo laban sa mga Pampanga ninja cops. Sa utos ni PNP chief  Purisima, ni-relieve ni Petrasanta si Senior Supt. Oscar Albayalde na siyang Pampanga police director at pinalitan ni Senior Supt. Manuel Gaerlan.

Dalawang buwan na lang ang nalalabi bago magretiro sa serbisyo si PNP chief Albayalde pero ngayon pa lang ay hinihimok na siya ni Senador Richard Gordon ng Senate blue ribbon committee na magbitiw sa puwesto.

Ang malaking tanong ay kung ano ang magiging desisyon ni Pangulong Rodrigo Duterte pagkatapos ng imbestigasyon ng Senado at ang gagawing imbestigasyon din ng Department of Interior and Local Government. Abangan… (Sidebar / RAYMOND BURGOS)

212

Related posts

Leave a Comment