(NI NOEL ABUEL)
MAGAGALIT umano ang taumbayan kung hindi makukuha ng Pilipinas ang unang puwesto sa idaraos na Southeast Asian Games.
Ito ang sinabi ni Sendoor Imee Marcos kung saan umaasa ito na mag-number one ang Pilipinas sa talaan ng mga bansang magkakakuha ng pinakamaraming gintong medalya sa gaganapin na Southeast Asian (SEA) Games sa darating na November 30 hanggang December 11.
Ayon kay Marcos, sa laki ng budget na inilaan ng pamahalaan para sa hosting ng biennial multi-sport event ng 11 bansa sa rehiyon, dapat ay matiyak ng mga organizer na hindi mangungulelat ang mga atletang Filipino sa ranking ng may pinakamaraming gintong maipapanalo.
Ginawa ng senadora ang pahayag matapos pagpaliwanagin sa Senado sina Senador Bong Go, bilang sponsor ng budget ng Philippine Sports Commission, at House Speaker Alan Peter Cayetano, na siya namang pinuno ng Philippine SEA Games Organizing Committee (Phisgoc) Foundation Inc..
Sinasabing nasa P7.5-bilyon ang pondong inilaan para sa hosting ng Pilipinas sa SEA Games bukod pa sa halagang P9.5 bilyon para sa bagong pasilidad sa New Clark City, Pampanga na babalikatin ng pamahalaan.
Sinabi ni Marcos, dapat tiyakin ng mga organizer ng SEA Games na masungkit ng Pilipinas ang number 1 spot ng may pinakamaraming gintong panalo para masuklian naman ang taongbayan sa bilyun-bilyong pisong ginastos sa biennial multi-sport event ng 11 bansa.
“Sa laki ng gastos natin, sana naman masiguro na mag-number 1 tayo sa SEA Games dahil kung hindi, tiyak na magagalit ang taongbayan!” ayon kay Marcos.
“Pero kinakabahan ako, kasi sa tingin ko, masuwerte na kung maka-5th place tayo sa SEA games,” pagtatapat ni Marcos.
Nais din ni Marcos na masiguro kung kumpleto at maayos ang mga equipment at mga pasilidad ng mga atletang Pinoy, kabilang na rin ang pagkain, vitamins at iba pa.
Bukod dito, pinatitiyak din ni Marcos sa mga organizer at mga awtoridad ang seguridad ng libu-libong atleta na kalahok sa nasabing sports competition.
127