MOTOR TAXIS BAWAL NA

Antonio Gardiola

Ipinatigil ng DOTr-TWG dahil sa hindi pagsunod ng Angkas

IPINATIGIL ng Department of Transportation-Technical Working Group (DOTr – TWG) ang operasyon ng motorsiklong taksi dahil ayaw sumunod ng Angkas motorcycle taxi service provider, saad ng hepe ng komite sa Senado kahapon.

Sabi ni Antonio Gardiola, pinuno ng DOTr-TWG, hindi sumusunod ang Angkas sa mga alituntunin ng DOTr – TWG habang isinasagawa ang tatlong ekstensiyon ng pag-aaral ng TWG, nang tanungin ni Senadora Grace Poe sa pagpapatigil ng operasyon ng motorsiklong taksi.

Idiniin ni Gardiola na walang makuhang datos ang DOTr-TWG upang gamiting batayan sa pag-aaral at pagrekomenda sa Senate Committee on Public Services na pinamumunuan ni Poe kung nararapat o ligtas ang motorsiklo na maging pampublikong transportasyon, gayong dalawa lamang ang gulong nito.

Sinabi rin ni Gardiola na inaprubahan ni DOTr Secretary Arthur Tugade ang desisyon ng DOTr-TWG, nang tanungin kung pabor si Tugade sa nasabing desisyon.

Hindi nagustuhan ni Poe ang desisyon ng komite ni Gardiola, sapagkat walang datos ang DOTr-TWG na naging batayan nito sa pagpapatigil ng operasyon ng motorsiklo bilang pampublikong transportasyon.

Umamin si Gardiola na wala silang makuhang datos sa pag-aaral dahil matigas ang ulo ng Angkas. Kaya ang ginamit ng DOTr-TWG ay ang pag-aaral nito sa pilot test run ng motor taxi mula Hunyo hanggang Disyembre na lahat ng impormasyon ay galing sa Angkas.

Hindi naman nakadalo si DOTr Undersecretary Mark de Leon sa pagdinig ng Senate Committee on Public Transportation.

Nagalit at sinermunan ni Senadora Imee Marcos si Gardiola, sapagkat ipinakansela ang operasyon ng Angkas, samantalang walang ulat ang DOTr – TWG na siyang batayan sa pagpapatigil ng operasyon ng tatlong kumpanyang pasok sa negosyong motorsiklong taksi, kabilang na ang JoyRide at Move It.

Ayon naman kay Poe, napakahalaga ng pag-aaral ng DOTr- TWG sa motorsiklong taksi dahil ito ang magiging batayan ng pag-amyenda sa Republic Act No. 4136 upang maisama ang motorsiklo bilang pampublikong sasakyan.

PALALAWIGIN SA KAMARA

Samantala, ayaw ng ilang mambabatas sa mababang kapulungan ng Kongreso na tuluyang alisin sa lansangan ang mga motorcycle taxi dahil sa posibleng lalong makaapekto umano ito sa problema sa trapiko.

Kapwa nanawagan sina PBA party-list Rep. Jericho Nograles at Muntinlupa Rep. Ruffy Biazon na bigyan pa ng pagkakataon ang motorcycle taxis dahil malaki ang naitutulong ng mga ito sa mga commuter para hindi ma-late sa trabaho.

“I would support extended trial run,” ani Nograles kaya dapat aniyang ikonsidera ng DOTr-TWG ang kanilang desisyon na i-terminate ang pagbiyahe ng mga motorcycle taxi.

Kinuwestiyon naman ni Biazon ang LTFRB kung bakit aalisin na sa mga lansangan ang mga motorcycle taxi gayung hanggang Marso 30, 2020 pa aniya matatapos ang trial run.

Banggit pa ng mambabatas, kung may gusto umanong parusahan ang LTFRB dahil sa hindi pagsunod ito sa itinakdang regulasyon ay hindi dapat idamay ang lahat ng kumpanya. (NELSON S. BADILLA, BERNARD TAGUINOD)

169

Related posts

Leave a Comment