MONOPOLYO NA NI VILLAR

Leody de Guzman-2

BMP: Kapag nakuha ng Prime Water ang NCR water distribution

NAPAKALAKAS ng paniniwala ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP) na posibleng makuha ng Prime Water Infrastructure Corporation na pag-aari ng pamilya nina dating Senate President Manny Villar at Senadora Cynthia Villar ang negosyong distribyusyon ng tubig sa National Capital Region (NCR) kapag tuluyang pinutol ng administrasyong Duterte ang kontrata ng Manila Water Company Inc. at Maynilad Water Services Inc. sa pamahalaan.

Sa eksklusibong panayam kay Leody de Guzman, tagapangulo ng BMP, kumbinsido ang kanyang organisasyon na posibleng mapunta sa mga Villar ang distribyusyon ng tubig maging sa NCR, sapagkat “agresibo“ang Prime Water sa negosyong nabanggit.

Ani De Guzman, sa kasalukuyan ay pasok na ang Prime Water sa maraming lalawigan.

Iniulat ng Saksi Ngayon kamakailan na nakuha ng Prime Water ang 63 water distribution districts mula sa 76 distribution water districts na nasa listahan ng Local Water Utilities Administration (LWUA).

Naganap ito sa pamamagitan ng tinatawag ni LWUA administrator Jeci Aquino na “public-private partnership.”

Idiniin ni De Guzman na ang mag-asawang Manny at Cynthia Villar ay mga negosyanteng “best friend” o “cronies” ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Kumalat sa publiko na malaki umano ang ibinigay ng mga Villar sa campaign funds ni Duterte noong tumakbo ito sa pagkapangulo ng bansa noong 2016.

Nang manalong pangulo, agad itinalaga ni Duterte si Las Piñas Rep. Mark Villar bilang kalihim ng Department of Public Works and Highways (DPWH).

Hindi nagtagal, naging Department of Justice (DOJ) undersecretary ang asawa ni Sec. Villar na si Emmeline Aglipay – Villar.

Bukod sa kanila, ang isa pang anak nina Manny at Cynthia na si Camille ay kinatawan ng distrito ng Las Piñas  sa mababang kapulungan ng Kongreso.

Kumbinsidung-kumbinsido si De Guzman na kapag nakuha ng Prime Water ang distribyusyon ng tubig sa NCR ay “bampirang monopolyo” ng pamilya Villar ang negosyong distribyusyon ng tubig sa Pilipinas.

Nang hinging liwanagin ang kahulugan ng kanyang pahayag, sinabi ni De Guzman na ito ay mistulang bambira sa tubo ang Prime Water.

Ang posibilidad na mapunta sa Prime Water ang negosyo ng distribyusyon ng tubig sa NCR ay sakaling hindi tanggapin at pirmahan ng pamunuan ng Wanila Water at Maynilad ang “bagong kontrata” ng tubig na ipinagawa ni Duterte sa DOJ at Office of Solicitor General (OSG). (NELSON S. BADILLA)

235

Related posts

Leave a Comment