BUKIDNON – Napisak dalawang riders na magka-angkas sa motorsiklo matapos pumailalim at masagasaan ng isang Isuzu Dropside Truck na nakabanggaan nito sa bayan ng Maramag sa lalawigang ito, nitong Linggo ng hapon
Kinilala ang mga biktimang sina Nelvin Labanon Batingal, menor de edad, driver at may-ari ng motorsiklo (CG110F), residente ng P-2A, San Miguel, Maramag, Bukidnon, at Rodolfo Oberes Descotido, 32, ng P-10B, ng parehong lugar.
Batay sa ulat ni P/Col. Roel L. Lami-ing, Provincial Director ng PNP Bukidnon, sa tanggapan ni Regional Director P/BGen. Rolando B. Anduyan, nangyari ang insidente bandang ala-1:50 ng hapon sa Maramag-Maradogao Road, P-10A, San Miguel, Maramag, Bukidnon.
Nabatid na binabagtas ng Isuzu truck (AWA 6156) na may kargang tubo (sugarcane), naka-rehistro sa isang Victoria Yap at minamaneho ni Joney Boy Caburnay Timogan, 48, ng Poblacion, Pangantucan, Bukidnon, ang nasabing lugar nang makabanggaan nito ang kasalubong na motorsiklo na sinasakyan ng mga biktima.
Dead on the spot ang mga biktima na napisak matapos pumailalim at masagasaan ng nasabing truck.
Nasa pangangalaga na ng pulisya ang driver ng truck matapos itong kusang sumuko sa traffic investigator na nangasiwa sa insidente. (NICK ECHEVARRIA)
213 