CAVITE – Binawian ng buhay ag isang menor de edad habang kritikal ang isang 54-anyos na ginang matapos mabangga habang tumatawid sa kalsada sa magkahiwalay na insidente sa Bacoor City sa lalawigang ito.
Kapwa dinala sa Philippine General Hospital (PGH) ang mga biktimang sina Evelyn Fernandez, may asawa, dressmaker, ng Sitio Malumot Panapaan Village, Bacoor City, at Angelo, 15, ng Brgy. Molino 3, Bacoor City ngunit namatay habang nilalapatan ng lunas ang huli.
Hawak naman ng pulisya ang driver ng Lalamove na si Johh Karlo Saganes, 31, ng Blk. 5, Lot 6, Drakkar St., Justineville, Brgy. Real 2, Bacoor City, at si Aquilino Ambray, 61, casino dealer, ng Block 15, Lot 24, Phase II, Mahogany Drive, Meadowood Executive Village, Brgy. Panapaan VIII, Bacoor City.
Ayon sa imbestigasyon ni Pat. Jerome Asid ng Bacoor City Police Station (CPS), minamaneho ni Sagenes ang kanyang motorsiklo at binabagtas ang Aguinaldo Highway dakong alas-11: 30 kamakalawa ng gabi.
Pagsapit sa Brgy. Panapaan 7, ng naturang lungsod, nang mabangga nito si Fernandez na noon ay tumatawid sa kalsada.
Isinugod sa isang ospital sa Cavite ang biktima ngunit dahil sa kritikal nitong kalagayan ay inilipat sa PGH.
Sa ulat naman ni P/SSgt. Roy Vincent Reyes ng Bacoor CPS, galing sa computer shop si Angelo at pauwi dakong alas-12:20 nitong Lunes ng madaling araw.
Ngunit sa pagtawid niya sa kalsada ng Brgy. Moliono 11 ng naturang Lungsod nang mabundol ng isang puting Honda CRV (ZHX 195) na minamaneho ni Ambray.
Gayunman, imbes na tumigil ang kotse ni Ambray ay pinaharurot nito ang kanyang sasakyan palayo ngunit nadakip ng mga awtoridad sa follow-up operation.
Mabilis namang sumaklolo ang tanggapan ng Bacoor DRMMO at isinugod ang biktima sa PGH kung saan siya namatay habang nilalapatan ng lunas. (SIGFRED ADSUARA)
305 