KUNG ang break-up nina James Reid at Nadine Lustre ang first major showbiz news sa taong 2020, ito’y sinusundan naman ang secret Christian wedding ng pop superstar na si Sarah Geronimo at triathlete singer-actress at entrepreneur na si Matteo Guidicelli noong gabi ng February 20, 2020.
Ang kagustuhang maging intimate at tahimik lamang ang kasal nina Sarah at Matteo ay nabahiran ng kontrobersiya dahil sa hindi inaasahang pagsugod ng ina ni Sarah na si Mommy Divine sa intimate wedding reception na ginanap sa isang high-end restaurant sa loob ng Shangri-La at The Fort Hotel in BGC sa Taguig City.
Nalungkot man si Sarah sa ginawa ng kanyang ina, masayang-masaya naman siya ngayon sa piling ng kanyang bagong mister na si Matteo.
In time, umaasa si Sarah na magkakaayos sila ng kanyang parents at matatanggap din nila ang kanyang mister na si Matteo sa kanilang pamilya.
Sa simula pa lamang ng relasyon ni Matteo kay Sarah ay hindi sila nagkaroon ng problema sa pamilya ni Matteo pero sa kabila ng pag-ayaw kay Matteo ng mga magulang ni Sarah, ipinakita niya sa mga ito ang kanyang respeto, sinseridad at tapat na hangarin sa kanilang anak.
Ang maganda kay Matteo, talagang ipinaglaban niya ang kanyang pagmamahal kay Sarah.
Samantala, dahil sa ginawang panunugod at pagwalala ng ina ni Sarah na si Mommy Divine sa intimate wedding reception nina Sarah at Matteo, ituloy pa rin kaya ng dalawa ang kanilang pina-planong big wedding?
Matuloy din kaya ang planong renewal of wedding vows ng parents ni Sarah na sina Daddy Delvin at Mommy Divine Geronimo on March 14?
RUBY REGALA ILILIBING NA
Noong araw ng Huwebes, February 27, ang huling lamay ng ina ng actor na si John Regala, ang dating actress na si Ruby Regala (71) na sumakabilang-buhay sa Amerika noong January 11, 2020 pero naiuwi lamang ang kanyang mga labi noong nakaraang Biyernes, February 21 ng gabi.
Ngayong Biyernes, February 28, ay nakatakdang ihatid sa kanyang huling hantungan si Ruby who is Susan Gregorio in real life, sa Manila Memorial Park in Sucat, Paranaque.
Naiuwi sa Pilipinas galing Amerika ang labi ni Ruby sa tulong ng Iglesia ni Cristo at ng Dept. of Foreign Affairs (DFA).
Si Ruby na noong isang taon lamang nanumpa bilang American citizen ay sampung taon nang naninirahan sa Washington, D.C. kung saan siya namasukang caregiver. Mag-isang namuhay sa America si Ruby na huling nakitang buhay ni John at ng kanyang pamilya nang ito’y magbakasyon sa Pilipinas noong December 30, 2018 hanggang February 19, 2019. Little did John know na huling pagkikita na pala nila `yon ng kanyang ina.
Devastated si John sa pagkawala ng kanyang ina na hindi man lamang niya nadamayan nang ito’y isugod sa pagamutan sa Amerika hanggang sa ito’y malagutan ng hininga dahil sa brain tumor.
May iniinda ring sakit si John nang ito’y aming makita sa wake ng kanyang ina noong nakaraang Martes ng gabi at hirap din itong magsalita.
Nasabi sa amin ni John na humihingi siya ng tulong kay Coco Martin maging sa ABS-CBN at GMA na siya’y mabigyan ng trabaho.
Nakita rin namin kay John na hard-up siya ngayon dahil matagal-tagal na rin siyang walang project.
ARJO ATAYDE BUMUKOD NA SA PAMILYA
Sa back-to-back presscon ng Beautederm para sa dalawa sa kanilang brand ambassadors na sina Carlo Aquino at Arjo Atayde na may kinalaman sa kanilang bagong produkto na Spruce and Dash (for men), inamin pareho ng dalawa na ang kanilang present girlfriends na sina Trina Candaza at Maine Mendoza ay siya umano nilang `the one’ para sa kanila.
At 34, pumapasok na rin kay Carlo ang planong pag-aasawa ang hindi nga lamang daw niya sigurado ay kung kelan ito mangyayari dahil hindi pa rin naman umano siya ganoon ka focused sa planong ito kahit 34 na siya. Pero umaasa siya na sana’y si Trina na nga `yung gusto niyang makasama habambuhay.
Sa part naman ni Arjo, sumasagi na rin umano sa usapan nila ni Maine ang marriage pero hindi umano ito mangyayari anytime soon dahil pareho pa umano silang busy sa kanilang respective careers at marami pa silang gustong gawin individually.
Samantala, inamin ni Arjo na gusto umano niyang mag-produce ng pelikula. Hopefully ay mangyayari ito sa taong ito.
Bilang actor, gusto ni Arjo na makagawa ng mga proyekto na ‘out of the box’ ang kanyang role
Turning 30 on November 5, gusto na ring pasukin ni Arjo ang pagnenegosyo bilang paghahanda na rin sa kanyang future at magiging future na kanyang magiging sariling pamilya.
October 2019 ay bumukod na si Arjo sa kanyang pamilya at mag-isa na siyang namumuhay on his own.
“Masarap na mahirap but I love the challenge,” aniya.
Magmula nang bumukod si Arjo ay siya na umano ang nag-iintindi sa lahat ng kanyang mga pangangailangan including paying his utility bills.
317 