Onsehan sa term-sharing deal
NERBIYOS ang naramdaman ni House Speaker Alan Peter Cayetano sa tangkang pagtanggal sa kanya sa bilang House Speaker ng kampo ni Marinduque Rep. Lord Allan Velasco.
Ito ang pananaw ni Wilson Fortaleza, tagapagsalita ng Partido Manggagawa (PM), makaraang isiwalaat nitong Pebrero 27 ni Cayetano na 20 kongresista ang nagbunyag sa kanya ng coup attempt na pinangunahn ni Velasco.
Nangako raw si Velasco ng ‘malaking pera’ at ‘posisyon’ upang ikasa ang kudeta laban kay Cayetano. Itinanggi naman ni Velasco at mga kaibigan nito sa Kongreso ang akusasyon ng kinatawan ng unang distrito ng Lungsod ng Taguig at bayan ng Pateros.
Pumutok ang balitang kudeta laban kay Cayetano makaraang sadyang pagbabalewala nito sa mga mahahalagang panukalang batas na nakasalang sa Kamara de Representantes.
“Malamang [takot si Cayetano], lalo na kapag nararamdaman niyang wala na sa likod niya ang pangulo,” saad ni Fortaleza.
Matatandaang sinuportahan ni Pangulong Duterte noong Hulyo ang itinambol at iginiit ni Cayetano sa media na kasunduan nila ni Velasco na “term-sharing” sa pagiging speaker ng mababang kapulungan.
Sa nasabing kasunduan, 15 buwang speaker si Cayetano at 21 buwan naman si Velasco.
Nasa ikapitong buwang speaker pa lang si Cayetano.
Si Velasco ay pinaniniwalaang ‘manok’ ni Davao City Mayor Sara Duterte – Carpio, ang anak ni Pangulong Duterte na nagpatalsik noon kay Speaker Pantaleon Alvarez sapagkat gustong kalabanin ang mga Duterte. NELSON S. BADILLA
344 