MAUGONG sa mababang kapulungan ng Kongreso na isa ang Iglesia Ni Cristo (INC) sa mga maghahain ng position paper sa prangkisa sa ABS-CBN.
Base sa impormasyon na kumakalat ngayon sa Kamara, inaabangan umano ng mga mambabatas ang ihahaing position paper ng INC sa House committee on legislative franchise.
“Through a private lawyer, balita naman they (INC) are planning to file a position paper,” ayon sa impormante na hindi na nagbanggit ng pangalan kapalit ng impormasyong ito.
Lumutang ang impormasyon matapos buksan ng nasabing komite na pinamumunuan ni Palawan Rep. Franz Alvarez ang kanilang pintuan para tumanggap ng position paper sa usapin ng prangkisa ng ABS-CBN bago magsagawa ang mga ito ng pagdinig.
Hindi lamang ang position paper na pabor sa prangkisa ng ABS-CBN ang tatanggapin ng komite kundi maging ang mga kontra dito bago magkakaroon ng pagdinig sa Mayo, 2020.
Hindi lingid sa kaalaman ng lahat na maraming miyembro ng INC ang nakakapansin na ‘one-sided’ ang mga report ng ABS-CBN kasama ang Philippine Daily Inquirer at Rappler noong kasagsagan ng away ng magkakapatid ng Manalo noong 2015-16.
Dahil dito, may mga ulat na nanawagan ang mga miyembro ng INC sa kanilang mga kapatid na iboykot ang ABS-CBN, PDI at Rappler.
“Hindi pa natin alam kung ano ang ipupunto nila sa kanilang position paper kung matutuloy (ang paghahain). Pero alam naman natin na maraming INC members ang pumuna sa one-sided reporting noong 2015,” ayon pa sa impormante.
Hanggang kahapon ay hindi kinukumpirma ng nasabing komite kung nakatanggap na sila ng position paper o hindi pa para sa prangkisa ng ABS-CBN. BERNARD TAGUINOD
230 