PUNA NG SOLON KAYA TALAMAK ANG RIDING IN TANDEM CRIMINALS
ANG kawalan ng mga pulis sa lansangan ang isa sa pangunahing dahilan kaya malayang nakapag-o-operate ang mga kriminal lalo na ang riding in tandem.
Ito ang dahilan kaya umapela si ACT-CIS party-list Rep. Nina Taduran sa Philippine National Police (PNP) na paigtingin ang police visibility upang mapigilan ang riding in tandem.
Ayon sa mambabatas, kapansin-pansin ang kawalan ng police visibility sa mga lansangan kaya malakas ang loob ng mga riding in tandem kung saan ang huling biktima ay ang actress na si Kim Chiu.
Base sa mga report, sinundan at saka pinagbabaril ang van ng actress sa panulukan ng CP Garcia at Katipunan Avenue ng dalawang suspek na magkaangkas sa motorsiklo.
“Dapat ipatupad na naman ang mga checkpoint and police visibility and magkaroon ng Oplan Sita,” ani Taduran upang mapigilan ang mga ganitong pag-atake.
Hindi lamang aniya sa Metro Manila ito dapat gawin ng PNP kundi maging sa mga probinsya dahil may mga nabibiktima rin doon ng riding in tandem.
Bukod sa pagpatay, nanghoholdap din ang mga riding in tandem at malaya silang nakatatakas dahil walang pulis sa mga lansangan.
“Kung may police visibility, madaling mahuli ang mga iyan (riding in tandem) at hindi sila maglalakas-loob na gumawa ng krimen kung mayroon silang nakikitang mga pulis,” ayon pa sa mambabatas.
Kailangan din umanong huwag ihinto ang police visibility kahit wala nang naitatalang krimen dahil naghihintay lang ang mga kriminal na mawala ang mga awtoridad sa lansangan at bumabalik sa kanilang criminal activities. BERNARD TAGUINOD
395 