PATULOY sa pag-akyat ang kumpirmadong kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) na naitala ng Department of Health (DOH) sa bansa matapos itong pumalo sa 20 kahapon.
Ayon kay Health Assistant Secretary Ma. Rosario Vergeire sa isang pulong balitaan kahapon, mula sa 10 kumpirmadong kaso ng sakit na iniulat ng DOH nitong Linggo ng gabi, nadagdagan pa ito ng 10 pang kaso kaya’t umakyat na ito sa 20.
Ayon kay Vergeire, natanggap lamang nila ang kumpirmayson sa mga bagong kaso ng sakit bago magtanghali nitong Lunes kaya’t wala pa rin silang kumpletong impormasyon hinggil sa mga ito.
Hindi pa rin umano nila tukoy kung ano ang koneksiyon ng mga bagong kaso sa mga nauna.
Tiniyak naman ni Vergeire na patuloy ang isinasagawa nilang contact tracing para matukoy kung sino ang mga posibleng dinapuan na rin ng karamdaman. DAHLIA S. ANIN
KASO SA QC
Sa Quezon City, isang residente ang nagpositibo sa COVID-19.
Kinumpirma ito kahapon ni Quezon City Mayor Joy Belmonte sa ipinatawag na pagpupulong sa mga opisyal ng lokal na pamahalaan.
Ayon kay Belmonte, mismong ang Department of Health (DOH) ang nagbigay ng ulat sa kanya matapos ang isinagawang pagsusuri ng ahensya.
Ang naturang pasyente ay isa umano sa huling apat na inanunsyo ng DOH na nagpositibo sa COVID-19.
Bagaman hindi pinangalanan, tinukoy ang pasyente na mula sa unang distrito ng lungsod at kasalukuyang ginagamot sa isang pribadong ospital.
Nagsagawa na rin ng pagpupulong ang City Government sa mga hakbang na ipatutupad.
Hinimok naman ng alkalde ang mga residente na iwasang mag-panic, sa halip ay sundin ang mga alituntunin ng DOH hinggil sa pananatiling malinis ng pangangatawan at paghuhugas ng kamay. JG TUMBADO
KASO SA PASIG, MARIKINA
Sa lungsod ng Pasig ay kinumpirma ni Mayor Vico Sotto na may naitala na silang dalawang pasyente ng COVID-19 sa isa sa mga ospital sa lungsod, bagaman ang isa ay hindi tagaroon.
Iniulat din ng alkalde na nakikipag-ugnayan na ang local health team sa Department of Health (DOH) para sa contact tracing o history kung sinu-sino ang nakasalamuha ng mga pasyente, saan-saang lugar pumunta at kung may travel history sila sa labas ng bansa.
Maglalaan din ang lungsod ng dedicated response team upang makapagresponde kaagad sa sinomang pinaghihinalaang nahawa.
Kinansela na rin ng alkalde ang mga pampublikong event at pansamantalang hindi magbibigay ng permit para sa mga malakihang pagtitipon.
Sinabi ng DOH na may apat na pasyente na kasalukuyang naka-admit sa iba’t ibang ospital tulad ng 32-taong gulang na Pinoy sa St. Luke’s Medical Center sa BGC, Taguig, isang 86-taong gulang na Amerikano na nasa Medical City, isang 38-taong gulang na Taiwanses sa Makati Medical Center at isang 57-taong gulang na Filipino sa St. Luke’s Medical Center sa Quezon City.
Ipinahayag naman ni Marikina City Mayor Marcy Teodoro na may isa rin silang pasyente na naka-confine sa isang ospital sa labas ng Marikina at posibleng ito ang isa sa dalawang nasa Pasig.
Nabatid na nanggaling umano ang nasabing pasyente sa South Korea at ito ay kasama sa sampung pasyente na tinukoy ng DOH.
Iniutos na ng alkalde ang disenfection ng mga paaralan, malls at pasyalan sa lungsod.
Sinuspinde na rin nito ang nakatakdang Palarong Pambansa sa Mayo. KNOTS ALFORTE
FLIGHT BAN
Nagpatupad naman ng flight ban ang Qatar sa 14 bansa kabilang ang Pilipinas simula kahapon.
Ayon sa gobyerno ng Qatar, ito’y bilang pag-iingat sa COVD-19.
Bukod sa Pilipinas, kasama sa ban ang China, Egypt, India, Iran, Iraq, Lebanon, Bangladesh, Nepal, Pakistan, South
Korea, Sri Lanka, Syria at Thailand.
Nagsuspinde na rin ang Qatar Airways ng flights mula at papuntang Italy.
Nadagdagan ng 3 ang bilang ng mga kaso ng COVID-19 sa Qatar kaya’t umakyat na sa 15 ang mga biktima ng
naturang sakit doon. KIKO CUETO
DISINFECTION
Kasunod ng deklarasyon ng State of Public Emergency ni Pangulong Rodrigo Duterte, pinangunahan ni Pasay City
Mayor Emie Calixto Rubiano ang pag-disinfect sa City University of Pasay (CUP) bandang tanghali kahapon.
Unang binombahan ng disinfectant ang mga silid-aralan ng Pasay West High School na may apat na palapag.
Ayon kay Jorge Ipondoks ng City Health Office, inispriyan ang mga silid ng Germ X disinfectant bilang pangkontrol sa anomang bacteria.
Ang hakbang ng city government ay kasunod ng mga ulat na may mga local transmission na ng COVID 19 sa mga lungsod ng Taguig, San Juan, Quezon, Marikina at sa munisipalidad ng Cainta sa Rizal na ilang kilometro lamang ang layo sa Metro Manila. DAVE MEDINA
