TRABAHO SA AGRI SECTOR UNTI-UNTING NAGLALAHO

BAGAMAN hindi napapansin ng karamihan, unti-unti umanong nawawala ang mga trabaho sa sektor ng agrikultura sa bansa at paliit nang paliit ang kontribusyon nito sa GDP o gross domestic product.

Ito ang napag-alaman sa mga magsasaka na sumugod sa mababang kapulungan ng Kongreso upang mangalampag na ipasa na ang Genuine Agrarian Reform Bill na sinimulan nang dinggin sa House committee on agrarian reform.

Ayon kay Danilo Ramos, chairman ng Kilusang Magbubukid sa Pilipinas (KMP), pumalo na sa 1.4 milyon ang trabaho na nawala sa sektor ng agrikultura mula 2016 hanggang 2019.

“In 2019, as much as 1.4 million jobs were lost in agriculture, with employment falling from 11.1 million in 2016 to 9.7 million in 2019. This translates to an average annual job loss of 455,000 in this period,” ani Ramos.

Dahil dito, bumababa umano ang share o kontribusyon ng agricultural sector sa GDP dahil umaabot na lamang ito sa 7.8% noong 2019 mula sa 8.8% noong 2016; 8.5% noong 2017 at 8.1% noong 2018.

Malayong-malayo na aniya ito sa 40% share ng sektor ng agrikultura sa ekonomiya ng bansa.
Isinisi ito ng nasabing grupo sa pagpapabaya ng gobyerno sa sektor ng agrikultura sa mahabang panahon at pagpapatibay ng mga batas na nagpapalugmok sa mga magsasaka tulad ng Rice Tariffication Law.

Bukod dito, hindi umano mapigilan ang land conversion sa bansa kaya nauubos ang mga lupang taniman, hindi maayos na irrigation system, walang tulong sa mga magsasaka lalo na sa mga makabagong teknolohiya at makinarya at iba pa. BERNARD TAGUINOD

502

Related posts

Leave a Comment