IMINUNGKAHI ni Bayan Muna party-list Rep. Carlos Zarate na linisin muna sa “virus” ang buong Batasan Pambansa bago magsagawa ng hearing ang mga komite habang nasa bakasyon ang Kongreso.
Sa press conference ng Makabayan bloc nitong Huwebes sa Kamara, pabor si Zarate sa pahayag ni House Speaker Alan Peter Cayetano na hindi nila pagbabawal ang mga komite na magsagawa ng public hearing habang nasa bakasyon ang Kongreso dahil hindi naman makakaalis ang mga mambabatas dahil sa COVID-19.
“Ang panawagan natin, ASAP, puwede bang magkaroon muna ng sanitizing dito sa House (of Representatives) because this is public place. In the past days in and out ang mga tao dito,” ani Zarate.
Wala aniyang nakakaalam kung mayroong mga taong positibo sa COVID-19 ang pumunta sa Kamara “so we are all exposed” kaya upang matiyak ang kaligtasan ng lahat ay dapat magsawa aniya ma-disinfect ang buong Batasan Complex.
Ang kilalang opisyal ng gobyerno na nagtungo sa Kamara para dumalo sa pagdinig ay si Department of Transportation (DOTr) Arthur Tugade na sumailalim na sa self-quarantine.
Isa sa mga tauhan ni Tugade na si Philippine National Railways (PNR) General Manager Jun Magno ay nagpositibo din umano sa COVID-19 habang ang isa pang opisyal na laging nito mga kasama sa mga nakaraang araw ay nagkaroon na rin umano ng virus.
Sumailalim din sa self-quarantine si Davao City Rep. Isidro Ungab na dumalo sa Commission on Appointment (CA) confirmation kung saan nakasalamuha nito si Sen. Sherwin Gatchalian na na-exposed naman sa isa sa mga economic manager na nagpositibo sa COVID-19.
“Napakalaking place itong HOR, everyday alam naman ninyo may mga pasyente na pumupunta dito para humingi ng medical assistance,” ani Zarate bukod sa mga opisyales ng gobyerno na dumadalo mga committee hearings.
Ang Kongreso ay nakabakasyon na bilang pagbibigay daan sa Lenten season at muling babalik ang mga ito sa trabaho sa Mayo 4, 2020. (BERNARD TAGUINOD)
216 