DAHIL malaki ang magiging epekto sa ekonomiya ang coronavirus disease o COVID-19, iminungkahi ng isang mambabatas na maglaan ang gobyerno ng P108 bilyon upang maisalba ang ekonomiya ng bansa.
Sa ilalim ng panukala ni Marikina Rep. Estella Quimbo, na tinawag nitong “2020 Economic Rescue Plan”, ramdam na ramdam na aniya ang epekto ng COVID-19 sa ekonomiya ng Pilipinas.
Tinataya ng mambabatas na nakatakdang mawalan umano ng P42.9 bilyon na kita ang tourism industry dahil sa COVID-19 kaya malaking kawalan umano ito sa ekonomiya ng bansa.
“The Department of Finance warned that the revenue of the national government may decline by 91 billion pesos in 2020 if COVID-19-induced disruption lasts until June,” saad ni Quimbo.
Maliban pa rito, hanggang 60,000 empleyado umano sa tourism industry kapag nagpatuloy o tumagal pa ang COVID-19 at maging ang mga maliliit na negosyante ay mawawalan ng kita.
Ayon pa sa mambabatas, kailangang magkaroon ng pondo para tulungan ang lahat ng sektor na maaapektuhan sa Covid-19 upang madali ang pagbangon ng mga ito kapag tuluyan nang naresolba ang problemang ito.
Sa nasabing halaga, nais ni Quimbo na ilaan ang P43 bilyon para sa tulungan ang tourism sector, P15 bilyon para sa mga maaapektuhang manggagawa at P50 bilyon sa mga apektadong negosyo.
Bukod ang pondong ito sa ibibigay na pondo sa Department of Health (DOH) para labanan ang COVID-19 na kinabibilangan ng P1.6 bilyon na supplemental budget na inaprubahan ng Kamara. (BERNARD TAGUINOD)
231 