BINATIKOS ni Senador Nancy Binay ang National Food Authority (NFA) sa mabagal na pagkilos upang maipakalat ang bigas sa mga komunidad.
“Anong oras na? Dapat ipamigay na ng NFA ang mga bigas sa tao. Importanteng maitawid muna natin kahit 14 days lang ang mga pamilyang direktang naapektuhan ng lockdown. Hindi ito bakasyon–giyera ito,” giit ni Binay.
Paliwanag pa ng senador, sapat ang supply ng bigas para makatulong sa pamamahagi ng rice assistance sa mga pinaka apektadong residente na sakop ng enhanced community
quarantine.
“Kailangan pa ba nating hintayin na magkagulo at may mamatay sa gutom? Ano ba ang plano? Sana kumilos na para matulungan lahat ng nangangailangan,” saad pa ng senador.
Idinagdag pa ni Binay na ang NFA ay may pinasok na Memorandum of Agreement sa relief agencies tulad ng Department of Social Welfare and Development (DSWD),
Office of Civil Defense (OCD) at local government units (LGUs) para sa pangangailangan ng bigas dulot ng natural disasters, calamities at iba pang
emergencies. NOEL ABUEL
