CHINESE WOMAN TUMALON SA 9TH FLOOR NG CONDO?

PATAY ang isang 32-anyos na babaeng Chinese national makaraan umanong tumalon mula sa ika-9 palapag ng condominium sa Malate, Manila kahapon ng madaling araw.

Kinilala ang biktimang si Liu Caiyo, manager ng isang bar sa Pasay City at naninirahan sa Unit 9-M sa Tower C ng Suntrust condominium sa Adriatico St., sa Malate.

Batay sa ulat ng Manila Police District-Homicide Section, bandang 4:00 ng madaling araw nang mangyari ang insidente sa nabanggit na condo.

Agad nagresponde sa lugar si P/Ssgt. Mark Christopher Martinez kasama ang ilang tauhan ng Roxas Boulevard Police Community Precinct na sakop ng MPD- Station 9 at agad nilang kinordon ang lugar kung saan bumagsak na nakadapa ang biktima.

Sa imbestigasyon ng MPD-Homicide Section, sinabi ni Almario Adonis,  nakatalagang security guard ng condo, lumabas ang biktima kasama si Allen Lim bandang 1:00 ng madaling araw ngunit dakong alas-2:00 ng madaling araw ay bumalik na nagtatalo ang dalawa.

Dakong alas-4:10 ng madaling araw, habang nagro-roving si Adonis nang makarinig siya ng malakas na sigaw.

Pagkaraan ay natagpuan niya ang biktimang duguang nakadapa ngunit wala nang buhay.

Kinumpirma naman ni Lim na tumalon ang biktima mula sa ika-9 palapag ng condo.

Sa rekord ng condo, ang biktima umano ay nagsimulang manirahan sa isang unit nitong Marso 8 ng taong kasalukuyan.

Mula sa Hong Kong ay nagkita umano ang magkasintahan sa nasabing condo ngunit nagkaroon ng mainitang pagtatalo.

Sa pagsisiyasat ng mga awtoridad, nakitang magulo ang buong unit ng biktima at may bahid ng dugo sa lapag. (RENE CRISOSTOMO)

432

Related posts

Leave a Comment