SUGATAN ang isang sales consultant matapos putukan ng umaawat na mga pulis makaraang maging sila ay tutukan ng baril sa Caloocan City, kahapon ng madaling araw.
Ibinalibag sa selda ang suspek na si George Gamac, 20, empleyado ng Hyundai Inc., at residente ng #306 L. Nadurata St., 3rd Avenue, Brgy. 43 ng nasabing lungsod, nahaharap sa kasong grave threat at paglabag sa RA 10591 (illegal possession of firearms).
Ayon sa ulat, alas-12:30 ng madaling araw, naglalakad ang tricycle driver na si Ryan Labanan, 34, sa kahabaan ng 2nd Ave. C. Namie St., Brgy. 43, nang huminto sa kanyang harapan ang suspek na sakay ng motorsiklo at siya ay tinutukan ng baril.
“Nasaan si Andrew? Kung hindi mo ituro, papatayin kita,” sabi umano ng suspek saka umalis.
Makalipas ang ilang sandali, bumalik ang suspek sa naturang lugar at tinutukan din ng baril at pinagbantaan ang naglalakad na si Alfredo Ramos, 43, tricycle driver, ngunit nakipagbuno ito sa kanya.
Ang insidente ay nakita ng nagpapatrolyang mga tauhan ng PCP-2 na sina P/SSgt. Edwin Lapatar, P/Cpl Sanny Mark Obligar, P/Cpl. Christopher Mamales at Pat Rudolf Mendoza.
Nilapitan nila ang suspek para awatin ngunit tinutukan din sila ng baril.
Para mapigilan ang nakaambang panganib, napilitang paputukan sa paa nina PSSgt. Lapatar at P/Cpl. Obligar ang suspek saka itinakbo sa Caloocan City Medical Center. (ALAIN AJERO)
203 