DAVAO CITY- Ikinagalak ng mga nars na pinaalis sa isang dormitoryo, ang pagtulong sa kanila ng lokal na gobyerno na makahanap ng tirahan.
Nakalipat na sa isang motel ang mga nars matapos umapela si Davao City Vice Mayor Sebastian Duterte sa motel na Oh George! nang mag-trending sa social media ang isang post na pinaalis ang mga nurse sa dormitoryo.
Nangyari ang pagpapaalis sa kanila dahil sa alegasyong may nag-positibo sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa ospital kung saan nagtatrabaho ang mga nars.
Agad nakaabot kay Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio ang pangyayari, agad itong nakipag-ugnayan sa kapatid na bise-mayor at sinabi din nito na sumang-ayon na ang motel na doon muna manirahan ang nga nars habang wala pa silang nakitang malilipatan.
Nauna rito, binigyan lamang ng hanggang sa Marso 30, 2020 ang mga nars na manatili sa dormitoryo na hindi pinangalanan, dahil temporaryong nagsarado umano ito upang makaiwas sa COVID-19. DONDON DINOY
270 