MATAPOS mabahala ang marami sa mga katagang “emergency power” na ibibigay kay Pangulong Rodrigo para labanan ang paglaganap ng coronavirus disease 2019 o COVID- 19, binura na lamang ito ng dalawang Kapulungan ng Kongreso at pinalitan ng “authority”.
Dakong alas-3:24 na madaling araw ng Martes, Marso 24, nagtapos ang special session na nagsimula ng alas-10:00 ng umaga ng Lunes, Marso 23, para sa Bayanihan Bill of
2020 para bigyan ng dagdag na kapangyarihan si Duterte sa paglaban sa COVID-19.
Umaabot sa 284 congressmen ang pumabor sa House Bill (HB) 6616, na mayorya ay bumoto sa pamamagitan ng text habang 9 ang kumontra at walang abstention habang sa Senado, 12 senador ang sumang-ayon sa nasabing panukala.
Kabilang sa mga bumoto ng kontra o No sa nasabing panukala ay sina Camarines Sur Rep. Gabriel Bordado Jr., Albay Rep. Edcel Lagman; Bayan Muna party-list Reps.
Ferdinand Gaite, Eufemia Cullamat at Carlos Zarate; ACT party-list Rep. France Castro; Kabataan party-list Rep. Sarah Elago, Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas at Magdalo party-list Rep. Manuel Cabochan III.
Base sa panukalang batas na pinagkasunduan ng Senado at Kamara, tinanggal na ang katagang “emergency power” at pinalitan ito ng ”authority” matapos itong kontrahin
ng ilang mambabatas at maging ng taumbayan.
Hindi na rin makikita sa nasabing panukala ang mga salitang “take over” sa mga pribadong transport at business establishment at sa halip ay ginawa itong “direct operations”.
Kabilang sa mga puwedeng i-operate ng gobyerno sakaling kailangan para sa mga biktima ng COVID-19 ay ang mga pribadong ospital at transport utilities na pag-aari ng mga pribadong negosyante.
Pangunahing kapangyarihan na ibinigay sa Pangulo ay ang pag-realign ng mga pondo ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno lalo na ang mga Government Owned and Controlled Corporation (GOCCs) para magamit sa kampanya laban sa COVID-19 maliban sa pondo ng Legislative at Judiciary.
Hindi na rin kailangang idaan sa public bidding ang pagbili ng mga kagamitan na gagamitin sa COVID-19 upang mapabilis ang proseso lalo na’t “emergency” ang sitwasyon ngayon.
Magkakaroon din ng kapangyarihan si Duterte sa loob ng tatlong buwan na ipagpaliban ng 30 araw ang pagbabayad ng mga loan, upa sa mga bahay, buwis, paglibre sa import tax sa mga medical equipment na kailangan at maging ang pagpapalawak sa sakop ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps.
Gayunpaman, kailangang mag-report si Duterte sa Senado at Kamara kada linggo upang malaman kung paano ginagamit ang P275 Billion na maaari nitong galawin, para sa
kampanya laban sa COVID-19. BERNARD TAGUINOD
179 