KINONDENA ng pamunuan ng Makati Medical Center ang paghahatid ni Senador Aquilino “Koko” Pimentel III sa kabiyak na si Kath sa nasabing ospital sa kabila na sumasailalim siya sa home quarantine lalo na nang mabunyag na positibo sa COVID-19 ang senador.
Nabatid na inihatid ni Pimentel sa MMC ang kanyang maybahay dahil nakatakda na itong manganak.
Naka-home quarantine ang senador matapos kunan ng swab sample noong Marso 20, 2020.
Sa pahayag, inamin ni Pimentel na positibo siya sa COVID-19 na kanyang nalaman umano hatinggabi ng Marso 24 mula sa tawag ng Research Institute for Tropical Medicines (RITM). Agad din aniya siyang umalis sa pagamutan nang malaman ang resulta ng kanyang swab test.
“Yes, (I was with Kath yesterday) as she was scheduled to give birth this morning. I receieved the call from RITM when I was already in the hospital last night (March 24, 2020) hence I left immediately,” aniya.
Aniya, naka-self quarantine pa rin siya at maganda ang kanyang pakiramdam.
“Since the last day of session, March 11, 2020, I had already tried my best to limit my movement. I will call (to the best of my ability) those I remember meeting during those crucial days so that I can inform them of my test result,” ayon sa senador.
Gayunman, binatikos ng MMC ang anila’y paglabag ng senador sa strict infection and containment protocols.
Sa ginawa umano ni Pimentel ay inilagay nito sa peligro ang mga healthcare worker na posibleng mahawa sa impeksyon.
“We denounced the irresponsible and reckless action of the senator. He added to the burden of a hospital trying to respond in its most competent and aggressive manner to come with the daunting challenges of this COVID-19 outbreak,” saad pa sa statement na inilabas ng MMC.
Dagdag pa ng pagamutan, kinailangan nilang isailalim sa decontamination at disinfection ang buong delivery room bago ito muling gamitin upang masigurong ligtas ang mga gagamit nito.
Tinawag din ng MMC na rhetoric ang babala ng senador sa publiko para sumunod sa social distancing, enhanced community quarantine measures, paghuhugas ng kamay at pagpapanatiling malinis sa katawan dahil siya mismo ay hindi umano sinusunod ang mga ito.
“By his actions, he contributed no solution. In fact, he created another problem – for Makati Medical Center, the very institution which embraced his wife for obstetric care,” pahayag pa ng MMC.
Maging sa social media ay binatikos ng netizens ang anila’y kawalan ng ingat at pagiging arogante ng senador dahil sa kanyang paglalagay sa peligro sa buhay ng mga nakasalamuha niya sa kanyang paglabag sa home quarantine.
Ikalawa si Pimentel kay Senate Majority Leader Juan Miguel”Migz” Zubiri na naging positibo sa COVID-19 matapos makaharap ang isang biktima sa ginanap na pagdinig ng Senado.
Kasalukuyang naka-self quarantine sina Senador Sonny Angara, Kiko Pangilinan at Risa Hontiveros dahil may kontak sila sa COVID-19 positive. Negatibo naman ang ilang senador kabilang sina Senador Nancy Binay, Sherwin Gatchalian, Francis Tolentino, Richard Gordon, Christopher Lawrence “Bong” Go at Senate Minority Leader Franklin Drilon. DAVE MEDINA, ESTONG REYES
