LALONG lumalakas ang panawagang isailalim sa control ng Inter-Agency Task Force (IATF) ang lungsod ng Quezon matapos itong mangulelat sa mga local government unit na maayos na naipatutupad ang pinaiiral na enhanced community quarantine.
Sa media briefing kamakalawa ni National Action Plan chief implementer Carlito Galvez, tinukoy nito ang mga LGU na epektibong nakapagpapatupad ng ECQ sa kani- kanilang nasasakupan.
Bagaman, isa sa mga prominenteng siyudad sa Kamaynilaan, hindi napabilang sa mga pinapurihan ang Quezon City.
“Nagsilbing ehemplo ang LGUs ng Manila, Valenzuela, Marikina, Pasig, Baguio, Davao, Caraga, at Bicol region, kung saan mahigpit ngunit maayos nilang ipinatupad ang ECQ,” ani Galvez.
“Kaya naman hinihikayat namin ang mga LGUs na tularan ang kanilang mga examples,” patuloy ni Galvez.
Binigyang diin din ng opisyal ang mahalagang papel ng LGU sa pagsugpo sa COVID-19.
Kung hindi aniya ipinatupad ang ECQ ay posibleng umakyat sa 140,000 hanggang 550,000 ang kaso ng COVID-19 mula Abril hanggang Hunyo, ayon na rin sa pag-aaral ng mga expert sa UP at international community.
Kaya naman dismayado ang maraming QC residents sa pamunuan ni Mayor Joy Belmonte dahil kitang-kita anila ang kawalan nito ng kakayahan na maayos na maipatupad ang mga pinaiiral na protocol sa ECQ.
Tulad na lamang ng pagdagsa ng mga mamimili sa Balintawak market at ang pagpapapila nito sa mga TODA driver at operator para kumuha ng P2,000 na ayuda sa city hall.
Hinaing pa ng mga residente, nakalulungkot na napag-iiwanan ang kanilang lungsod pagdating sa pagtugon sa krisis na dulot ng COVID-19.
Ayon sa ilang nakapanayam ng Saksi Ngayon, tila “incompetents and juveniles” ang mga nagpapatakbo sa city hall ng pinakamalaki at pinakamayamang lungsod sa kalakhang Maynila.
Dagdag pa ng mga ito, dapat ay naunawaan ni Mayor Belmonte at ang QCDRRMC head na si Myke Marasigan ang peligro sa buhay at kalusugan ng mga health professional sa East Avenue Medical Center dahil sa naipong mga bangkay roon sa halip na minaliit nila ang usapin at sinabi pang ‘fake news’. (SAKSI NGAYON NEWS TEAM)
