HEPE NG CALOOCAN HEALTH DEPT. NAGPOSITIBO SA COVID-19

KINUMPIRMA ni Caloocan City Mayor Oscar Malapitan na positibo sa COVID-19 ang hepe ng City Health Department ng lungsod.

Ayon sa alkalde, ang nasabing doktor ay nagpakuha ng swab test para sa COVID-19 noong  Huwebes, 09 April 2020 dahil ito ay pinag-utos ng Department of Health-Department Memorandum No. 2020-0151 na may petsang 31 Marso 2020.

Base sa nasabing memorandum, lahat ng healthcare workers, kahit walang sintomas, na may posibleng exposure sa COVID-19 dahil sa uri ng trabaho, ay isasailalim sa COVID testing para mapangalagaan ang kalusugan ng frontliners.

Nang magpa-test ang nasabing doktor, siya  ay “asymptomatic” o walang nakikita o nararamdamang sintomas ng nasabing sakit at walang unprotected known exposure.

“Ayon din sa naturang memorandum at pagkokonsulta namin sa DOH ngayong araw, hindi siya nangailangang magpa-quarantine sa mga panahon na iyon. Kaya nagpatuloy pa rin niyang ginampanan ang kanyang trabaho.  Ngunit sa kasamaang palad ay naging positibo siya sa COVID-19 at hanggang ngayon ay asymptomatic,” ani Malapitan.

Dagdag ng alkalde, nakabukod at nakahiwalay o nagpasailalim sa quarantine ang nasabing opisyal habang patuloy na ginagampanan sa pamamagitan ng telepono at iba pang digital connections, ang kanyang trabaho.

Sabi pa ni Malapitan, ang Lungsod ng Caloocan ay sumusuporta sa nasabing doktor at sa kanyang pamilya sa kanyang laban kontra COVID-19 at ipinabatid sa lahat ng mga doktor, nurses at iba pang frontliners, na kaagapay nila ang Pamahalaang Lungsod para suportahan, tulungan at kalingain sila sa kanilang pagganap sa tungkulin. (ALAIN AJERO)

368

Related posts

Leave a Comment