HINILING ni Senador Risa Hontiveros sa Department of Health (DOH) na tutukan din ang disease hotspots tulad ng kulungan, palengke at urban poor communities dahil malaki ang posibilidad na kumalat ang corona virus 2019 (COVID-19) sa naturang lugar.
Sa pahayag, hiniling din ni Hontiveros sa pamahalaan na paigtingin ang mass testing bago palawigin o magkaroon ng modipikasyon sa pagpapatupad ng enhanced community quarantine (ECQ).
“Kapag nagkaroon ng kaso ng COVID-19 sa mga kulungan, palengke, masisikip at matataong lugar kung saan nakatira ang marami nating mahihirap na kababayan, mabilis ang pagkalat ng sakit dahil dikit-dikit ang mga tao. We should stop the disease at the onset by closing in on early cases so that they can be isolated and treated to prevent further transmission,” giit ng senador.
Sinabi ni Hontiveros na kailangan doblehin ng pamahalaan ang pagkilos nito patungo sa mass testing para sa COVID-19 bago ikonsidera ang anomang desisyon sa ECQ.
Ginawa ni Hontiveros ang panawagan matapos matuklasan sa Valenzuela City at Sitio Zapatera, Cebu City na maraming indibidwal ang positibo sa virus pero walang sintomas.
Dahil dito, nagsagawa sina Valenzuela City Mayor Rex Gatchalian at Pasig City Mayor Vico Sotto ng mass testing sa kanilang nasasakupan upang mapabuti ang pagkilos ng pamahalaan laban sa pandemic.
“Now that more cases are being reported in the Visayas and Mindanao, we should prepare and anticipate the increased demand for tests,” paliwanag pa niya. ESTONG REYES
167 