NAKAKATABA NG PUSO

DPA

NAKAKATUWA at nakakataba sa puso na makitang may mga kababayan pa rin tayo na kahit anong hirap ng buhay nila ay iniisip pa rin nila ang kanilang kapwa kahit matindi ang kanilang pangangailangan.

Saludo ang inyong DPA as in Deep Penetration Agent sa mga ganitong tao tulad ni Whendy Pido, ng Antipas, North Cotabato na isinoli ang kanyang natanggap na P5,000 mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) matapos malaman na nakatanggap din ang kanyang mister na na nagtatrabaho sa ibang barangay.

Alam natin sa panahon ngayon, marami ang hindi tapat at kung makakita ng pagkakataon na makapanggulang ng kapwa at talagang manggugulang at hindi iniisip ang kapwa na tulad nila ay may pangangailangan din.

Sigurado ako na may mga nakatanggap ng social amelioration na doble-doble dahil hindi na nagtse-tsek ang mga barangay kung ang pamilya ba na isinama nila sa kanilang listahan ay may natanggap din na tulong sa ibang barangay.

Sa mga probinsya, may miyembro ng pamilyang nakatira sa ibang barangay at patunay dyan ang kaso ni Mrs. Pido, na posibleng nakatanggap ng social amelioration na doble pero hindi na nagsoli.

Busilak ang kalooban ni Mrs. Pido dahil nang malaman niya na nakatanggap ang kanyang mister ng social amelioration ay isinoli niya ang natanggap niya dahil alam niyang hindi lang sila ang nangangailangan.Sana ganito ang lahat ng mga tao lalo na ang mga lider ng bansa, na kung ano ang sobra, huwag nang ibulsa at sa halip ay isipin ang kapwa na mawalan dahil sa kanilang kaswapangan.

Saludo din ako sa mga ordinaryong tao na gumagawa ng paraan para makatulong sa mga nangangailangan lalo na sa panahong ito na halos wala ng makain ang mga tao dahil nawalan sila ng hanapbuhay.

Tulad ng isang pizza delivery boy na ibinibili ang natatangap nilang tip ng tinapay para ibigay sa mga taong makita niya sa lansangan habang siya ay bumibiyahe at alam niyang kumakalam ang sikmura.

Sigurado may pamilya din ang pizza delivery boy na ito at malaki din ang kanilang pangangailangan pero ibinabahagi ang kanyang natanggap na tip sa kanyang mga customers sa mga higit na nangangailangan.

Taas sumbrero din ako sa magtataho na namigay ng libreng taho sa mga frontliners bilang ‘maliit’ na tulong niya sa mga ito na nagpapatupad ng batas upang hindi na dumami pa ang COVID-19 case sa ating bansa.

Imbes na isipin na kailangan niyang kumita, mas minabuti pa ni Manong Magtataho na lagyan ng laman ang sikmura ng mga frontliners dahil alam niyang hindi pa nag-aalmusal ang mga ito.

Eto ang mga taong dapat gayahin ng lahat at sila ang larawan ng kasabihan na “those who have less, even give more” at hindi sila umaasa na may kapalit ang kanilang ginawang kabutihan.

Kapag nakakakita ako ng mga taong ganito, hindi ako nawawalan ng pag-asa sa Lahing Kayumanggi. May pag-asa pa rin ang ating Lahi (na dapat lang) dahil sa mga ganitong tao.

434

Related posts

Leave a Comment