P613 BILYONG KASUNOD NA AYUDA

Badilla Ngayon

PASPASANG naging batas ang “Bayanihan to Heal as One” nitong Marso 24 na nagbigay ng kapangyarihan kay Pangulong Rodrigo Duterte na malikom ang P275 bilyong pondong gagamitin sa panahong pinaiiral ang enhanced community quarantine (ECQ) sa Luzon dulot ng mapamuksang coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Ang P275 bilyon ay kinuha sa P4.1 trilyong badyet ng pamahalaan para ngayong 2020.

Kaya, walang problema sa pera dahil mayroong pinagkunan ng P275 bilyon at ang pangunahing layunin ng Bayanihan Act ay ang Social Amelioration Program (SAP).

Sa SAP na ito, malinaw ang probisyon na 18 milyong pamilya na “pinakamahirap sa mga mahihirap” ang makatatanggap ng tig-P5,000 hanggang P8,000 kada buwan sa loob ng dalawang buwan (Abril at Mayo).

Uulitin at muli kong ididiin ang madalas kong banggitin sa kolum kong ito na ‘bawat pamilya’ ang makikinabang na nangangahulugang kung sa isang bahay ay dalawa, tatlo o apat na pamilya ang nakatira ay tig-P5,000 ang bawat pamilyang nakatira sa iisang bahay.

Malinaw na hindi P5,000 ang ihahatag sa isang bahay kung saan paghahatian ng dalawa, tatlo o at apat na pamilya ang perang ito.

Sa P275 bilyon, P205 bilyon na ang ibinigay ng Department of Budget and Management (DBM) sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Ang nailabas pa lang ng DSWD noong unang linggo ng Abril, ayon na rin kay DSWD Secretary Rolando Joselito Bautista, ay P16.3 bilyon na ibinigay sa 3.7 milyong kabahayan o “household.”

Ang 3.7 milyong kabahayan ay mga kasapi ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) na buwanang nakatatanggap ng ayudang pera mula sa pamahalaan, sa pamamagitan ng DSWD.

Kung tutuusin, malaki pa ang kulang dito dahil nakasaad sa batas tungkol sa 4Ps ay kailangang 4.4 milyong kabahayan ang dapat makinabang sa “Conditional Cash Transfer” (CCT) ng DSWD ngunit, kahit kumpletuhin pa ng DSWD ang 4.4 milyong kabahayan ay napakalaki ng problema sa bilang na ito.

Hindi malinaw sa 3.7 milyon o 4.4 milyon kung ilan ang eksaktong bilang ng mga pamilyang mahihirap. Kaya, hindi sinunod ng DSWD ang Bayanihan Act nang ihatag nito ang P16.3 bilyon sa 3.7 milyong kabahayan.

Ang totoo, walang listahan ng mga mahihirap na pamilya ang DSWD at ang hawak nito ay bilang ng mga bahay ng mga mahihirap na pamilya sa Luzon hanggang Mindanao.

Kaya, ipinabago ni Bautista ang mekanismo sa pamamahagi ng SAP upang mapabilis ito.

Ipinasa ng DSWD sa local government units (LGUs) ang bilyun-bilyong pera upang ang mga tanggapan ng mga alkalde ang mamimigay sa mga mahihirap na mga pamilya.

Ayon kay Interior and Local Government Secretary Eduardo Año, umabot na sa 91% ng pondo ng SAP ang naibigay sa LGUs.

Hindi lang tinukoy ni Año ang eksaktong halaga ng 91%.

Ang problema, ayon sa kalihim, hindi agad maipamahagi ng LGUs ang nasabing P5,000 hanggang P8,000 sa mga mahihirap na pamilya, sapagkat wala silang listahan o database ng mga mahihirap na nangangahulugang hahagilapin pa lamang ng mga tauhan ng mga alkalde kung saan nakatira ang mga pinakamahihirap sa mga mahihirap na pamilya.

Ito ang dahilan at balakid upang lalong maantala ang pamamahagi ng ayuda sa ilalim ng SAP.

Habang tuliro ang mga bata ng mga alkalde sa paghahanap ng mga pinakamahihirap na pamilya, minamadali naman ng mababang kapulungan ng Kongreso na ipasa ang panukalang “Philippine Economic Recovery Act”.

Ang laman naman nito ay P613 bilyon gagastusin ng administrasyong Duterte bilang “economic stimulus package” tungo sa pag-ahon ng ekonomiya ng bansa matapos ang ECQ sa Luzon at community quarantine (CQ) ng maraming lalawigan sa Visayas at Mindanao.

Kasama sa P613 bilyon na ito ay ang P110 bilyon na ibibigay sa mga manggagawang nawalan ng trabaho ngayong mayroong ECQ at CQ.

Pokaragat na ‘yan!

Paano ito maibabahagi, gayong walang tamang bilang ng mga manggagawang nawalan ng trabaho ngayong mayroong ECQ at CQ ang Department of Labor and Employment (DOLE)?

Ang isa pang kasama sa P613 bilyon ay ang P383 bilyong ibibigay sa LandBank of the Philippines (LBP) at Development Bank of the Philippines (DBP) upang mayroong maipautang sa mga negosyante.

Ang isa pa ay P1 bilyong subsidiya para sa sahod ng mga mayroong COVID-19.

Ibang klase ang panukalang ito ng mababang kapulungan na pinamumunuan ngayon ni Speaker Alan Peter Cayetano.

208

Related posts

Leave a Comment