SAPAT ang suplay ng Pilipinas sa mga produktong petrolyo at sa kuryente sa kabila ng COVID-19 crisis.
Tiniyak ni Energy Secretary Alfonso Cusi na hindi kukulangin ang serbisyo ng mga gas station ngayon kahit pa 10-percent ng mga oil retailer ay sarado dahil nag-negative ang presyo ng mga petroleum product sa world market.
“May mga gas station ang tuloy-tuloy ang pagseserbisyo ng mga yan. Sinisiguro naman ng gobyerno na kailangan may sapat tayong supply,” pagsisiguro ni Cusi.
Binigyang diin nito na hindi naman naapektuhan ang delivery ng mga petroleum product nang ipatupad ang enhanced community quarantine sa Luzon.
Aniya, “Noong Marso 16, umapela ang DOH [Department of Health] sa mga LGU na makipagtulungan para hindi maantala ang pagdedeliber ng mga petrolyo. Sa awa ng Diyos wala naman tayong report na nagkaroon ng pagkaantala sa supply ng petrolyo,” ayon kay Sec. Cusi.
Ayon sa Kalihim, sa kuryente naman ay nanawagan ang Department of Energy sa mga industry player na protektahan ang kanilang mga empleyado para tuloy-tuloy ang pagdaloy ng kuryente sa bansa.
“Sa kuryente, we coordinate with the industry players para magsagawa ng medical measures para maprotektahan din ang health ng ating mga backliner [para patuloy ang serbisyo ng kuryente],” ayon sa kalihim.
Wala rin aniyang dapat ipag-alala ang mga consumer dahil ang mga bayarin sa bills sa kuryente ay bibigyan ng panahon para mabayaran ang mga ito. Magkakaroon ng apat na installment para mabayaran ang mga bill matapos ang enhanced community quarantine sa mga lugar na extended hanggang May 15. CHRISTIAN DALE
227 