NASA halos 20,000 na ang bilang ng overseas Filipino workers (OFWs) na naipit dahil sa Coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa iba’t ibang dako ng daigdig ang nakabalik na sa bansa.
Ayon kay Foreign Affairs Undersecretary Brigido Dulay, sa ngayon ay aabot na sa 19,466 ang na-evacuate na OFWs.
Marami pa aniyang darating sa susunod na mga araw at aasahan ang libo-libo pang mga kababayan na uuwi ng bansa.
Siniguro naman ng DFA base na sapat ang bilang ng grupong aalalay sa mga uuwing Pinoy at ang mga ito ay sasailalim sa 14-day quarantine.
Ang mga crew o passengers namang nag-quarantine na sa cruise ships na pinagta-trabahuhan nila ay puwede nang dumiretso sa kanilang pamilya.
Sa kabilang dako, pinuri ni Senador Aquilino “Koko” Pimentel III ang Department of Foreign Affairs (DFA) sa matagumpay na kampanya nito para matulungan ang lahat ng Filipino na nasa ibang bansa sa gitna ng COVID-19 pandemic.
Ayon kay Pimentel, chairman ng Senate Committee on Foreign Relations, malaking bagay ang ginagawa ng DFA na maasistehan ang lahat ng OFWs at matukoy ang COVID-positive na Filipino.
“I wish that the DFA continues its efforts in extending assistance to OFWs in countries affected by the pandemic. Our OFWs are among the sectors hardest hit by the crisis. Napakahirap nang malayo sa pamilya at sa sariling bansa sa panahong ito,” sabi ni Pimentel.
“Sa ngayon ay may binibigay na P10,000 one-time cash assistance ang DOLE sa ating displaced OFWs. The DFA can help augment the budget of DOLE’s cash aid program by utilizing its own available funds. Kung pwede lang naman po, ‘yung Legal Assistance Fund and other funds meant for overseas Filipinos ay magamit sana pandagdag sa Assistance to Nationals Fund,” dagdag pa nito. DAVE MEDINA, NOEL ABUEL
186 