HANGGANG ngayon ay pinuputakte ng mga tanong ang a ting cellphone at email mula sa ating mga suking taga-subaybay.
Pangunahin nilang tanong ay kung bakit hanggang ngayon daw ay hindi pa sila nakakatanggap ng form man lang mula sa Social Amelioration Program (SAP) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Kung ano ang nararamdaman ng taumbayan ay gayundin ang PUNA na napakarami rin ang katanungan sa DSWD tulad ng bakit napakabagal nang pamamahagi ng ayuda.
MissSa tuwing interview ng media kay DSWD spokesperson Irene Dumlao ay madalas na sinasabi nito na naipamahagi na nila ang salapi sa local government units (LGUs) o alkalde ng mga lugar. Ha? Talaga lang?
Sinasabi naman ng LGUs na dismayado daw sila sa SAP dahil kahit kalahati man lang ng kanilang mahihirap na constituents ay hindi nabibigyan ng form.
Ayon naman sa DSWD, wala silang magawa at kung magkano lang daw ang ibinigay sa kanilang pondo ay iyon lang din ang kanilang pinagkakasya.
Ibig sabihin ang inaprubahan na pondo ng “Bayanihan to Heal As One Act” ay kulang?
Kung hindi tayo nagkakamali ang pinag-uusapan ditong pondo na ipinasa ng mga mambabatas sa pangunguna ni Speaker Allan Peter Cayetano ay 200 bilyong piso.
Ito ay nakalaan sa labing walong milyong (18M) Pinoy na pinakamahihirap.
Ang pinagbasehan daw nitong 18 milyong pamilyang Pinoy na mahihirap ay 2015 survey pa.
Kailangan maipaliwanag ito nang maayos ng DSWD dahil pananagutan nila ang kanilang tungkulin at responsibilidad.
oOo
Napanood natin ang miting ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang piniling gabinete na isinahimpapawid sa national televisions kaugnay sa extension ng Enhanced Community Quarantine (ECQ) sa Luzon at ilang probinsiya ng bansa.
Napansin natin na iisa lang sa kanyang gabinete ang nag-alala sa lagay ng pondo ng bansa dahil sa COVID-19.
Siya ay si Budget Secretary Wendel Avisado, na nagsabi na ang budget ng gobyerno para sa 2020 ay P4.1 trillion pesos.
Halata nating kabisado ni Sec. Avisado ang lagay ng pera ng gobyerno kung saan patutungo kung magpapatuloy ang veerus na ito.
Ayon kay Sir Kabisado… este Avisado pala, ang P1.249 trillion ay antimano agad apprpropriated na.
Paliwanag pa niya, ang P2.8 trillion pesos ay new appropriation na binibigay sa personal services, financial expenses, capital outlay at gastusin.
Ang capital outlay ay nahahati sa dalawa. Ito ay ang ‘for comprehensive release at for later release’.
Ang for comprehensive release ay hindi pwedeng galawin antimano dahil yan ay laan sa government agencies, departments, sa debt servicing at Internal Revenue Allotment (IRA).
Ang maaari lang daw magamit ay ang P397 bilyon ‘for later release’ sa capital outlay ng departments at congress initiated.
Sabi pa ng boss ng DBM, P352 bilyon na ang nagagamit ng gobyerno para sa COVID-19.
Ang sukli ay P45 bilyon, konti na lang sabi ni Sir Kabisado.
Paano na ngayon muling pinalawig ang ECQ sa Luzon hanggang Mayo 15?
Hindi ko lang alam kung tama ang kwenta ko kasi malaking salapi ang sangkot dito subalit sa tingin ko ay tama ang sinasabi ni Secretary Avisado.
Sa tingin tuloy natin tagilid ang pondo ng gobyerno dahil sa COVID-19 na ito.
Wala rin papasok na buwis sa gobyerno na pagkukunan ng pondo wala namang gumagawa ngayon lahat nakatambay sa bahay.
Kaya hindi natin maiwasan na manglaiti rin sa galit tulad ni Pangulong Duterte sa New Peoples Army (NPA) at mga pasaway dahil sa kinakaharap nating krisis ay nagagawa pa nilang mamerwisyo sa mga tao.
Wala ba kayong mga konsensiya? Bahala na sa inyo si Lord.
210 